Kaya dapat sakto lang, besh! PAGTATRABAHO NG SOBRA-SOBRA, BAD SA HEALTH!
- Jersy Sanchez
- Nov 2, 2018
- 2 min read

PARA sa mga strong independent woman na hataw kung magtrabaho, baka kapag nabasa ninyo ito, eh, maghinay-hinay na kayo? Dahil ayon sa mga eksperto, ang pagtatrabaho nang mahigit sa 45 oras sa loob ng isang linggo ay maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng diabetes. Tsk!
Isang pag-aaral ang isinagawa sa Ontario, Canada tungkol sa kahabaan ng oras ng pagtatrabaho kasama ang mahigit sa 7,000 empleyado sa loob ng labindalawang taon.
Ayon sa mga eksperto, hindi raw nakaaapekto ang haba ng oras ng trabaho sa mga kalalakihan ngunit, 63 porsiyento naman ang tsansa na ma-develop ang diabetes sa mga kababaihan na nagtatrabaho ng mahigit 45 oras sa loob isang linggo.
Sinabi ni Mahee Gilbert-Ouimet, researcher sa Institute for Work & Health sa Toronto na ang pagtatrabaho raw umano ng sobra-sobra ay nakasasama sa tao dahil nakapagbibigay ito ng stress kung saan maaari nitong mabago ang hormones ng mga babae tulad ng cartisol.
Ang pagbabago ng cartisol ay nakaaapekto sa level ng insulin at kakayahan nitong mapababa ang sugar sa katawan.
Dagdag pa rito, ang malalang stress ay nakaaapekto sa pagtulog at maaaring magdulot ng mental illness, ang lahat ng ito ay nagiging sanhi ng pagbaba ng timbang at insulin na nagreresulta sa pagkakaroon ng diabetes.
Samantala, naging parte ng pag-aaral ang pag-obserba sa mga bagay na maaaring nakaiimpluwensiya sa tsansa ng pagkakaroon ng diabetes tulad ng lifestyle, medical issues at mga nakasanayang gawain na hindi mainam para sa kalusugan.
Gayundin, bukod sa pagtatrabaho sa loob ng mahabang oras, maaaring pati ang gawaing- bahay at pag-aalaga sa mga anak ay dahilan din kaya kakaunti na lamang ang oras na natitira upang makapagpahinga nang wasto at maalagaan ang sarili.
Kaya sa mga beshy natin diyang mahilig mag-overtime, hinay-hinay lang sa pagtatrabaho upang maiwasan ang ganitong klase ng sakit. Manatiling strong independent woman, pero dapat ay siguraduhin din na maayos ang kalusugan.
Okie?





Comments