- BULGAR
Dapat gawin sa sumasakit na mga tainga
SHANE M. LUDOVICE, M.D / SABI NI DOC
Dear Doc. Shane,
Sumasakit ang mga tainga ng aking anak na marahil ay dahil sa sipon niya na 5 araw na ay hindi pa rin nawawala, gayunman, sinilip ko ito at nakita kong may luga ito sa loob. Ano sa tingin ninyo ang dapat kong gawin? — Joy
Sagot
Ang luga o impeksiyon sa mga tainga (otitis media) ay siyang pangunahing sanhi ng pananakit ng mga tainga. Ang impeksiyon sa gitnang bahagi ng mga tainga o ang patlang o espasyo sa likod ng eardrum kung saan ang maliliit na mga buto ay sumasagap sa mga vibration at inihahatid ito sa loob ng tainga ay kadalasang kasama ng sipon, trangkaso at iba pang impeksiyon sa respiratory system. Gayunman, mas makabubuti kung dadalhin sa doktor ang anak ninyo para malaman kung ano ang espesipikong sakit nito.
Sa pagkakataong ito ay titingnan ng doktor kung may bara o luga ang mga tainga gamit ang otoscope na may kakayahang umihip ng kaunting hangin sa eardrum at ang hanging ito ay magpapabalik-balik sa loob, gayundin, maaaring maghahanap ang doktor ng posibleng sintomas ng luga gamit ang tympanometer, gumagamit ito ng tunog at air pressure para malaman kung may luga ang tainga.
Gayunman, kadalasan ay virus ang sanhi ng pagkakaroon ng impeksiyon sa mga tainga. Sa kasong ito, hindi makatutulong ang pagbibigay ng antibiotic sa pasyente at kung sa tingin ng doktor ay bakterya ang sanhi ng impeksiyon ay reresetahan ito ng antibiotic.