- Eddie M. Paez, Jr.
ORCULLO, INAASAHAN SA KAMPEONATO NG US 9-BALL

NAIWANANG nakasampa sa mga balikat ng batikang si Dennis “Robocop” Orcullo ang pag-asa na isang Pinoy ang magkakampeon sa bisperas ng pagtatapos ng 2018 U.S. International Open 9-Ball sa Sheraton Waterfront Hotel ng Norfolk, Virginia.
Ito ang lumutang pagkatapos na isa-isang mag-alsabalutan ang mga kababayang sina World Pool Billiards Association (WPA) no. 2 Carlo “Black Tiger” Biado, Alex “The Lion” Pagulayan, Zorren James “Dodong Diamond” Aranas, Warren “The Warrior” Kiamco, Johann Chua at Eric Bayhon dahil sa natikmang tigalawang pagkatalo sa kompetisyong tila World 9-Ball Championship ang kalibre sa tindi ng mga bilyaristang lumalahok mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig.
Limang tagumpay na ang nairehistro ni Orcullo, kasalukuyang pangalawa sa AZBilliards moneyboard, sa paligsahan.
Dinaig niya sina J. Sheerman ng Amerika (11-1), Great Britain ace Chris Melling (11-10), Mika Immonen ng Finland (11-2), local bet Oscar Dominguez (11-8) at ang ngayon ay kinatawan na ng Canada na si Pagulayan (11-7) sa kompetisyong umakit ng 113 na mga cue artists.
Ang tanging talo ng Pinoy ay ipinatikim ni Taiwanese Jung Lin Chang sa iskor na 8-11 pero dahil sa “double elimination” na tuntunin ng torneo, nananatiling bukas ang landas ni Orcullo papunta sa champion’s purse na $40,000.
Pero malaking sagabal sa kanyang paglalakbay si Eklent Kasi ng Albania na siyang susunod niyang makakaduwelo.
Si Kasi ang itinuturing ngayon na pinakamalupit na bilyarista sa buong mundo base sa listahan ng WPA.
Dalawang kinatawan ng Taiwan at tig-isa mula sa Estonia at Spain ang nananatiling walang talo sa torneo kaya nasa winner’s bracket pa sila.
Bukod kina Orcullo at Kasi, mayroon pang apat na iba pang manlalaro sa one-loss side na may tsansa pang makuha ang kampeonato.