Search
  • BULGAR

ELITE, KONTING HAKBANG PA SA SLOT NG TOP FOUR


MAY tsansa pa ang Blackwater Elite na makakuha ng slot sa top four matapos nilang kalusin ang Columbian, 120-99 kagabi sa 2018 Philippine Basketball Association, (PBA) Governors’ Cup sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna. Lumapit ang Elite sa mga nangunguna sa team standings, nagtala si reinforcement Henry Walker ng 26 points at 11 rebounds upang ilista ang 7-3 karta. Ipinaramdam agad ng Blackwater ang kanilang lakas sa unang dalawang quarters upang hawakan ang 21-point lead, 63-42 sa halftime.

Hindi nagpabaya ang Elite sa third canto kaya nanatili ang malaking bentahe na tinatamasa, 93-69 papasok ng fourth. Samantala, swak na sa susunod na phase ang Magnolia Hotshots kasama ang twice-to-beat advantage. Nakalaan ang incentives sa top four teams pagkatapos ng 11-game elimination round.

Tangan ng Pambansang Manok Magnolia ang 8-2 card, solo nila ang top spot at para kay Ian Sangalang Hotshots center malaking pagsubok sa kanilang team ang Manila Classico ngayong alas-6:45 ng gabi sa Araneta Coliseum kung saan makakalaban nila ang tigasing Barangay Ginebra.

Inaasahang mapupuno ang Big Dome sa paghaharap ng Hotshots at crowd favorite Gin Kings. “Siguro isa sa game yun na matetest namin yung character namin. Kung hanggang saan kami, kasi pag Ginebra kalaban mo talagang pahirapan,” ani Sangalang.

Nasilo ng Magnolia ang insentibo nang talunin nila ang TNT KaTropa, 116-103 noong Biyernes sa Ynares Center sa Anti­polo City.

“Sobrang sarap sa pakiramdam kasi lahat naman from the start of the conference, unang ina-achieve muna yung goal na makarating sa quarters tapos semis,” ani Sangalang. (ATD)

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.