- BULGAR
Kinagat ng iba't ibang insekto
Socrates Magnus
Salaminin natin ang panaginip ni Room ng Room_ Mayrin@facebook.com
Dear Professor,
Pakibasa ang panaginip ng anak ko. Iniisip ko na may bumabarang sa kanya dahil sa text niya sa akin.
Ang sabi niya, nanaginip daw siya na maraming insekto sa katawan niya, iba’t ibang klase. Kinakagat daw siya nito kaya nangati at nagkaroon ng dugo ang balat niya. Tapos, kahit nagpalit na siya ng damit ay mayroon pa ring insekto sa katawan niya.
Kaya naisip ko na baka may banta sa buhay ng anak ko. Ano kaya ito?
Naghihintay,
Room
Sa iyo Room,
Nabarang, mambabarang, insekto at sakit? Ito ba ay totoo? Oo, totoo na may mambabarang, kaya totoo rin na may nababarang at insekto talaga ang kadalasang ginagamit dito. Totoo rin na kumakati ang balat kapag nababarang at walang gamot sa mundo ng medisina para sa mga nabarang. Pero, ang panaginip na kinagat ng mga insekto ay hindi nangangahulugan na nabarang ang isang tao.
Ang panaginip ng anak mo ay nagsasabing siya ngayon ay nangangailangan ng vitamins at mineral dahil kulang siya sa sustansiya. Dahil dito, siya ay pinapayuhan na kumain ng mga prutas o pagkaing mayaman sa potassium, iron at iba pa. Kaya ang mahigpit na inirerekomenda ay kumonsulta sa doktor at hindi ang magpunta sa mga albularyo.
Makabubuti rin sa kanya ang mga sariwang gulay o kaya ay mga bunga ng halaman na nahuhukay sa lupa tulad ng kamote, gabi, ube at iba pa.
Ang pamamasyal sa mga magagandang tanawin ay may malaking maitutulong sa kanya, gayundin ang pakikinig sa masasayang musika at ang panonood ng mga palabas na nakapagpapasaya sa kanya.
Ipinapayo rin ang paglipat ng tirahan kung saan kakaunti lang ang mga kapitbahay. At ang isa pang epektibo ay ang pagkakaroon ng masaya at maligayang love life.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo