Pahiwatig na magbabago ang takbo ng buhay

Salaminin natin ang panaginip ni Vicky ng Vicky_Maria@facebook.com
Dear Professor,
Nanaginip ako na nakita ko ang mukha ng aking asawa na parang galit, pero hinalikan ko raw siya at niyakap, tapos ang sabi niya, babalikan niya ako sa Linggo.
Tapos, nasa shoe store ako, hinahanap ko ‘yung katulad ng sapatos ko noon, ang kaso wala silang stock at size kaya ang binili ko na lang ay puting tsinelas.
Naghihintay,
Vicky
Sa iyo Vicky,
Nahaharap ka ngayon sa biglaang pagbabago ng buhay mo. Ang masasayang nakaraan ay mananatili sa iyong isipan, pero dahil bago na ang iyong buhay, sa huli ay makakasanayan mo rin ito.
Mas aangat ang iyong kabuhayan, mapayapa at may kasaganahan, ito ang iyong hinaharap.
Gayunman, ang bawat pagbabago sa buhay ng tao ay may kakambal na lungkot sa simula at minsan ay nagtatagal din sa mahabang panahon.
Nangyayari ito, kapag ang tao ay hindi na umaasenso at minsan kahit masasabing asensado na ay wala pa ring paggalaw ang buhay.
Ang panaginip mo ay nagpapahiwatig ng pagkakaroon mo ng kalayaan kung saan puwede kang magpasya sa sarili mo na wala kang ibang iniisip at ikinukonsidera.
At dahil magkakaroon ka na ng kalayaan sa pagpapasya at pagkilos, ang payo ay gawin mo na ang mga bagay na matagal mo nang gustong gawin na noon ay hindi mo magawa-gawa dahil nakatali ka sa iba’t ibang tradisyon.
Sa iyong bagong buhay, ang huwag na huwag mong kalilimutan ay ang mahalin mo ang iyong sarili. Ito ay nagsasabing kapag minahal ng tao ang kanyang sarili, hindi siya kikilos o gagawa ng mga bagay na ikasisira niya.
Kapag mahal ng tao ang kanyang sarili, hindi rin siya dapat mabuhay sa kasalukuyan dahil ang pagmamahal ay nagsasabi rin na paghandaan mo ang iyong kinabukasan. Kumbaga, dapat mong pagtuunan ng pansin ang iyong magandang kinabukasan kaysa ang pagsasaya sa kasalukuyan.
Pero sa totoo lang, kailangan din ng tao ang saya, kaya magsaya ka, ‘yun ang huwag mong kalilimutan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments