- BULGAR
Pagbibigay-malasakit ang tunay na regalong hindi kumukupas
FR. ROBERT P. REYES / PATAKBO-TAKBO
ILANG buwan na mula nang tanggapin natin ang kakaibang misyon na simulan ang paglilingkod sa sektor ng maralitang tagalungsod ng diosesis ng Cubao. Ilang pamilya ang nakumbinsing iwanan ang kanilang mga tahanan at tanggapin ang pabahay na inihanda para sa kanila sa Morong, Rizal. Gayunman, ito ang karaniwan nilang hinaing: “Mayroong bahay, pero walang pintuan at bintana kaya hindi namin maiwanan ang aming mga gamit. Walang tubig, kuryente at kubeta. Binigyan kami ng P5,000 subalit, ano ang magagawa ng halagang ito, pagdating namin sa Morong, wala kaming hanapbuhay at wala kaming ibang maaasahan kundi ang kakapiranggot na halaga. Paano kami mabubuhay? Pawang disyerto ang nilipatan namin. Mabuti pa sa bahay namin sa Quezon City kahit maliit, masikip at mainit, mayroong kuryente at tubig at higit sa lahat mayroon kaming hanapbuhay.”
Nang dumalaw tayo rito, nagulat at nalungkot tayo sa ilang mga sinabi sa atin ng mga tagaroon. Sabi ng isa, “mayroon ba kaming regalo? Tutal, malapit na ang Pasko.”, “tatakbo ba kayo?” at “hi ninong, malapit na ang Pasko”. Malinaw at eksakto ito sa ebanghelyo natin noong Biyernes tungkol sa Lebadura ng mga Pariseo (Lukas 12:1-7). Ano ang Lebadura ng mga Pariseo? Ito ang pagpapanggap at sino ang mga mapagpanggap at magsisimulang dumalaw sa mga pamayanan upang magbigay ng mga regalong may nakatatak na mukha, pangalan at plataporma nila? Eh, di, mga kandidatong galanteng-galante na umiikot sa pamayanan na may hawak na bungkos na puro limandaang piso, ito ang trapong politika. Gagawin ng mga kandidato ang lahat mula sa pambobola hanggang sa pamumudmod ng salapi sa mga naghihintay at umaasang makatanggap ng regalo. Ito ang inaasahan ng marami na mangyayari sa darating na pitong buwan. Masaya ang marami sa kabila ng katotohanang pansamantala lamang ang pagdaloy ng mga biyaya at pagkatapos ng pitong buwan, panahon na ulit ng pagtitiis at pagbalik sa dating buhay.
Dahil dito, isang masakit na biro ang “forever” na mayroon tayo, ang forever poor o ang pagiging forever na mahirap.
Kailan kaya magkakaroon ng disenteng pabahay, permanenteng hanapbuhay na may seguridad at kapayapaan? Ito ang tunay na regalo na hinahanap ng mga maralitang tagalungsod, ang regalong totoo at hindi kumukupas. Kumukupas ang mga perang padulas kasabay ng pakiusap na “iboto ninyo ako”. Imposible bang hingin ang mga ito? Malinaw na hindi subalit, kailangang mahanap ang mga kandidatong may tunay na pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang kababayang mahihirap. Sila ang mayroong regalo na hindi kumukupas.