Search
  • BULGAR

Datos ng aksidenteng sangkot ang motorsiklo, dumarami!

MS. KORINA SANCHEZ / ISYUNG 'K'

AYON sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), labing-apat na libo pitongdaan at pitong aksidente kung saan sangkot ang motorsiklo mula Enero hanggang Agosto ngayong taon. Sa bilang na ito, isandaan dalawampu’t apat ang namatay habang higit anim na libo ang nasaktan. Patunay na dumarami ang motorsiklo na bumabaybay ng Metro Manila at patunay na marami ang hindi maingat o walang karapatang magmaneho ng motor.

Hindi matatapos ang araw na hindi tayo nagagalit o napapailing sa mga balasubas na nakamotorsiklo kasama ang mga tricycle na kahit saan ay sumisingit at sumasalubong. Marami ring mga aksidente na sangkot ang motorsiklo ang nakukuhanan ng CCTV at mga dash o helmet cam. Sana matutong magbi­gay-respeto ang mga nakamotorsiklo dahil mabilis silang bumabaybay sa trapik, gayundin dahil dehado sila sa mga aksidente kaya dapat silang maging maingat.

◘◘◘

Papalapit na ang Undas kaya unti-unti na nating nararamdaman ang malalang trapik. Marami na ang naghahanda para sa isang mahabang bakasyon, marami na rin ang nagsisimula ng mamili para sa Pasko. Napakaraming mall sa bansa kaya tila wala ring tigil ang pagpunta ng mga tao rito. Ang ibang mall ay nagsimula nang habaan ang kanilang oras ng operasyon para masagap ang dami ng tao.

Gayunman, nakikiusap ang MMDA sa mga mall na makipag-ugnayan sa kanila nang mabuti kung magsasagawa sila ng mga midnight sale, partikular sa mga mall sa EDSA. Sa EDSA ay may labing-anim na mall kaya isipin na natin kung gaano kalala ang magiging trapik kung sabay-sabay mag-midnight sale! Kaya naging popular na rin ang mag-shopping online. Gayunman, dapat tayong manigurado at sa mga kilalang website tayo mamimili kung saan mayroong ligtas na pamamaraan sa pagbayad nang hindi maloko sa social media dahil kahit dito ay marami na ring kriminal ang nag-aabang ng mabibiktima.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.