- BULGAR
Babala sa mga may kulugo sa ari!
SHANE M. LUDOVICE, M.D / SABI NI DOC
Dear Doc. Shane,
Gusto kong malaman kung bakit nagkakaroon ng kulugo sa ari ang babae at saan ito nakukuha? Gayundin, paano ito ginagamot para hindi dumami? Nababahala kasi ako na baka mahawahan ko ang aking kinakasama.—Jenny
Sagot
Ang pagkakaroon ng kulugo sa ari o genital wart ay isang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Lumilitaw ang mga ito sa ari ng lalaki at babae at maging sa puwit. Ito ay dala ng impeksiyon mula sa condylomata acuminate o human papilloma virus (HPV). Kabilang sa mga sintomas ng sakit na ito ang pangangati ng mga kulugong natatagpuan sa loob at labas ng ari. Nagsisimula ang mga kulugo bilang mga maliliit na butlig na lumalaki na tila mga cauliflower. Kasama sa mga kumplikasyon ng sakit ang pagkakaroon ng kanser sa matris at puwit. Naililipat sa ibang tao ang mga kulugo sa ari sa pamamagitan ng pakikipagtalik, partikular kung mayroong mga kulugo ang kasiping, gayundin, sa ina at sanggol dahil mayroong pagkakataon na mahawa ang sanggol mula sa ina na may kulugo sa panahon ng pagsisilang.
Gayunman, hindi madaling nagagamot ang virus na ito sapagkat kahit maipagamot na ay patuloy pa rin itong nakahahawa, gayunman, isinasagawa ang pagsusuring papanicolau (pap smear o pap test) para sa kababaihan. Nangyayari ang pagkahawa kahit walang napapansing mga palatandaan kaya pinapayuhan na agad kumonsulta sa OB- Gyne para masuri ito.