Malinaw ayon sa birthday... MISIS NA NAKATAKDANG MAKIPAGBALIKAN SA NAMBABAENG MISTER
- BULGAR

- Oct 16, 2018
- 2 min read
Dear Maestro,
Itatanong ko kung magkakabalikan pa kaya kami ng mister ko na nambabae at nakisama na ng tuluyan sa babae niya?
Kung hindi na kami babalikan ng babaero kong asawa, siguro hindi naman masamang maghanap na rin ako ng ipapalit sa kanya hanggang bata pa ako, magtetrenta-anyos pa lang ako sa darating na December 24, 1988 habang January 12, 1978 naman ang birthday ng mister ko.
Ano sa palagay ninyo, makapag-aasawa pa kaya ako at makahahanap ng ipapalit sa aking asawa?
Umaasa,
Lyn ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Lyn,
Hindi ka dapat manlalaki o tumulad sa mister mo na pumatol sa ibang babae sapagkat ayon sa zodiac sign mong Capricorn at nagkataong Capricorn din ang zodiac sign ng mister mo, tugma kayong dalawa dahil kapwa kayo pinaghaharian ng elementong earth. Ibig sabihin, maghintay ka lang dahil malaki ang tsansa na kayo ay magkabalikan.
Dagdag pa rito, sa pag-aanalisang pang-Numerology ay halos tugma rin kayo. Nangyari ito dahil ang birth date mong 24 o 6 (2+4=6) ay suwetung-suweto rin naman sa birth date na 12 o 3 (1+2=3) ng iyong mister dahil ang 6 at 3 ay kapwa under sa grupo ng mga numero na kung tawagin ay “divisible by 3”. Ibig sabihin, hindi lang kayo sa Astrology o zodiac sign tugma ng mister mo kundi maging sa Numerology.
Samakatwid, dahil nga tugma ang inyong tadhana, ayon sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, sa bandang huli, ang kapalaran ang kusang gagawa ng paraan upang muli kayong magkabalikan at muling mabuo ang inyong pamilya na nakatakdang mangyari at maganap ngayong taong 2018 sa darating na Disyembre o kaya ay sa susunod na taong 2019, sa buwan ng Enero o kaya ay Pebrero na posibleng mangyari sa mismong araw ng Pasko o Bagong Taon o kaya ay Araw ng mga Puso at tulad ng nasabi na, biglang magbabalik si mister upang mabuong muli ang inyong pamilya na may pangakong panghabambuhay ng magiging maligaya.




Comments