Search
  • Eddie M. Paez Jr.

SEMIFINALS SEAT, KINANLONG NG PHL VOLCANOES SA ASIAN 7’S


NASELYUHAN ng Philippine Volcanoes ang isang upuan sa semifinals matapos nitong daigin sa bakbakang Pool “A” ang dalawang mga karibal sa unang araw ng 2018 Asian Sevens Rugby sa Racecourse International Rugby grounds ng Colombo, Sri Lanka.

Hindi nakaporma ang South Korea, 2018 Asian Games bronze medalist, sa init ng mga Pinoy sa match 1 kaya hindi na nagkaproblema ang Volcanoes nang maubos na ang oras ng laro. Ang 34-5 na iskor ang nagsilbing hudyat para sa produktibong araw ng Pilipinas sa huling yugto ng serye na nilimitahan lang sa top 8 na rugby playing nations sa buong Asya.

Sa pangalawang laro ng Volcanoes, nakaungos ang mga ito kontra sa Malaysia, 24-19, para mapanatiling buhay ang kampanya ng Pilipinas tungo sa isang podium finish. Ang susunod na haharapin ng Pilipinas ay ang overall lider (24 puntos) at topseed na Japan para malaman kung aling bansa ang magiging rank 1 at rank 2 sa Pool “A”.

Kagaya ng Pilipinas, malinis pa rin ang kartada sa leg 3 ng Japan dahil naitala rin nito ang mga panalo laban sa Malaysia (61-0) at South Korea (40-0). Ang mga Hapones ang naka­kuha ng ginto sa una at pangalawang legs ng serye.

Sa sagupaan ng Pool “B”, Asiad champion Hong- kong, China, Chinese-Taipei at ang punong-abalang Sri Lanka ang nag-uunahan para makasikwat ng dalawang upuan sa final 4. Hongkong (20 puntos) ang pumapangalawa sa overall ran­king habang pangatlo naman ang China (13 puntos).

Kasalukuyang nasa pang-apat na baytang ang Volcanoes sa pangkalahatang karera kasosyo ang Sri Lanka dala ang naipong 12 puntos. Tumapos sa pang-apat na puwesto ang bansa noong ginanap ang unang leg sa Hong Kong samantalang pumanglima lang ito sa pangalawang leg sa South Korea.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.