top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Kaya ‘wag na kayong makipag-agawan, momshies! SEY NG EXPERTS: MGA BABY NA KAMUKHA NG KANILANG DADDY, MAS HEALTHY

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 9, 2018
  • 2 min read

ni Jhozel Fernandez @Gulat ka 'noh?! | March 9, 2018



SEY NG EXPERTS: MGA BABY NA KAMUKHA NG KANILANG DADDY, MAS HEALTHY

File Photo

Daddies, ka-look-alike ba ninyo si baby? Oh, momshies, ‘wag na kayong magselos o makipag-agawan pa ng title kung puro si hubby ang napapansing kamukha ng inyong bagets dahil kung dehins pa ninyo knows, mas healthy daw ang inyong tsikiting kapag si daddy ang kamukha niya!

Ayon sa pag-aaral, ang mga newborn baby na kamukha ng kanilang daddy ay higit na mas malusog pagtuntong ng kanilang first birthday. Batay sa research, ang mga sanggol na kamukha ng kanilang ama ay mas malabong magkaroon ng asthma attack, dalhin sa doktor o maisugod sa emergency room at mas mababa rin umano ang tsansang ma-confine sila sa ospital nang mas matagal na panahon.

Paliwanag ng mga eksperto, ang mga amang hindi naninirahan kasama ang kanilang mga anak ay naglalaan ng dalawa at kalahating araw kapiling sila kung kamukha nila ang kanilang supling. Ito anila ay sa paniniwalang ang mga tatay na kampanteng ‘genetically related’ sila sa kanilang anak ay mas malamang na maglaan ng mas malaking panahon at atensiyon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng kanilang anak kaya nababawasan nito ang mga bantang karamdaman para sa mga bagong silang na sanggol.

Ani study author Professor Solomon Polachek mula sa Binghamton University, New York, “napakahalaga ng mga ama sa pagpapalaki ng mga bata at nakaaapekto ito sa kalusugan ng kanilang anak. Pahayag ni Polachek kaugnay sa nakalap na findings, nakakita sila ng indikasyong mas napabubuti ang kalusugan ng mga bata kapag sila ay kamukha ng kanilang ama. Aniya, “ang pangunahing paliwanag nito, karamihan sa mga batang kamukha ng kanilang ama ay mas madalas paglaanan ng panahon at atensiyon ng kanilang tatay para alagaan at bantayan, maging ang pagiging mas responsableng malaman ang lahat ng detalye tungkol sa kalusugan at mga pangangailangan ng kanilang anak”.

Kaugnay nito, umaasa ang mga researcher na ang resultang kanilang nakalap ay sapat upang masuportahan ang mga polisiyang nakahihikayat sa mga amang hindi naninirahan kapiling ang kanilang mga anak, lalo na ang mga bagong silang na sanggol na dalasan ang pagsasagawa ng ‘positive parenting’ para mapabuti ang kalusugan ng kanilang anak.

Gayundin, ani Professor Polachek, makahihikayat din sa mga tatay upang maging hands-on sa kanilang mga anak ang parenting classes, health education at job training para maisulong ang ‘positive parenting’ kabilang ang social interactions tulad ng pagbabasa at pakikipaglaro sa mga bata, maging ang mahahalagang gawain tulad ng pagpapalit ng diaper ng sanggol.

Dagdag pa ni study author Boris Cheval mula sa University of Geneva, ang pag-aaral na ito ay nagmumungkahi ng direkta, bayolohikal at pangmatagalang resulta ng pagpapahalaga sa presensiya ng mga ama sa pagpapalaki ng kanilang mga anak mula sa araw nang maisilang ang sanggol. Hindi aniya nalalayo rito ang kongklusyon na nagiging mas malusog ang mga sanggol na kamukha ng kanilang ama dahil mas ginaganahan at nasisiyahan ang mga tatay na makapiling ang kawangis nilang anak.

Kaya sa mga daddy diyan na ‘ika nga, eh, mukhang pinagbiyak na bunga sa kanilang baby, congratulations! Pero, siyempre, don’t forget na kahit hindi ninyo kamukha ang inyong anak, eh, mananatili kayong responsable sa pagpo-provide ng lahat ng kanyang pangangailangan, lalung-lalo na ang tender loving care para masiguro ang overall health and wellness ng inyong junior at baby girl. Happy parenting!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page