16-anyos na gusto mamasukan bilang katulong… Suko na sa pag-aalaga ng mga nakababatang kapatid
- BULGAR
- Sep 13, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |September 13, 2023
Dear Sister Isabel,
Gusto kong humingi ng payo sa inyo, hirap na hirap na kasi ako sa kalagayan ko rito sa amin. Panganay ako at anim kaming magkakapatid.
Taun-taon ay nabubuntis ang mama ko. Bilang panganay, ako ang nag-aalaga sa mga kapatid ko. Tumigil na ako sa pag-aaral dahil hindi na kami kayang pag-aralin lahat ng tatay ko, tricycle driver ang trabaho niya habang ang nanay ko naman ay labandera, napakabata ko pa para gampanan ang mga gawain dito sa bahay na dapat ang nanay ko ang gumagawa.
Dahil sa pag-aalaga ko sa mga nakakabata kong kapatid, ang laki na tuloy ng pinayat ko na para bang hindi ako nagkakakain. Mainit pa ang ulo sa akin ni nanay at ako pa ang palagi niyang pinagbubuntungan.
Bakit kaya sila anak nang anak ng tatay ko, eh ‘di naman nila kami kayang buhayin ng maayos at pag-aralin? Madalas kong tinatanong ang sarili ko sa mga bagay na ‘yan.
Ako tuloy ang nahihirapan, minsan naisip kong lumayas na lang, at mamasukan bilang katulong upang umasenso, at makapag-aral naman ako. Kaysa matali ako rito sa bahay, gawing katulong, at umaktong nanay sa edad na 16-anyos.
Ano kaya ang dapat kong gawin? Umaasa ako sa inyong payo, hihintayin kong ma-publish itong isinangguni ko sa inyo sa lalong madaling panahon.
Nagpapasalamat, Mildred ng Malabon
Sa iyo, Mildred,
Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa problema mo. Napakahirap talaga ng kalagayan mo ngayon, subalit kung iisipin mo pamilya mo lang din naman ang pinagsisilbihan mo. Alalahanin mo, mahal ng Diyos ang mga anak na nagsisilbi sa kanilang magulang.
Pagpapalain at hindi ka niya pababayaan, pagpasensyahan mo na muna ang tatay at nanay mo.
Batid kong iniisip din nila ang hirap na dinaranas mo. Malay mo, isang araw ay kausapin ka ng nanay mo at sabihin na maaari mo nang ipagpatuloy ang naudlot mong pag-aaral, dahil may sapat na silang naipon ng tatay mo para ikaw naman ang pag-aralin. At siya na ang mag-aasikaso sa bahay n’yo. Huwag kang mawalan ng pag-asa at higit sa lahat kumapit ka sa Diyos, dahil nakakatiyak ako na hindi ka niya pababayaan.
Tungkol naman sa tanong mo, bakit anak nang anak ang magulang mo at hindi naman nila kayo kayang buhayin at pag-aralin? Malalaman mo rin ang sagot d’yan, kapag nag-asawa ka na, mare-realize mo rin ang hirap. ‘Yan ang isang bagay na mahirap ipaliwanag sa buhay ng isang mag-asawa na tanging Diyos lamang ang maaaring magbuo ng bata sa kanilang pagtatalik sapagkat ang batang ‘yun ay anak ng Diyos.
Ang mga batang nabubuo sa sinapupunan ng isang ina ay “children of God”. May papel na gagampanan sa mundo for the glory of God. Kaya napakalaking kasalanan kung magpapa-abort ang isang babae, mortal sin ‘yan at hindi kalugud-lugod sa mata ng Diyos. May purpose ang Diyos sa bawat batang isinisilang at nabubuo sa sinapupunan ng isang ina.
Sana ay maunawaan mo ito. Kaya, huwag kang malungkot, dahil may magandang plano para sa iyo ang Diyos.
Sumasaiyo, Sister Isabel del Mundo








Comments