Balik-showbiz after mag-asawa, pero… KAYE, EXTRA LANG SA SERYE, TSUGI PA AGAD
- BULGAR
- Mar 20, 2019
- 2 min read

SA Cebu na nakabase si Kaye Abad simula nang mag-asawa last December, 2016 dahil Cebuano ang asawa niyang aktor din na si Paul Jake Castillo. May isa na silang anak ngayon, si Joaquin na mahigit isang taong gulang na.
Matapos ikasal ay nag-lie-low na rin si Kaye sa showbiz at nag-focus sa kanyang married life at pregnancy. Kaya ang teleseryeng Nang Ngumiti ang Langit ng ABS-CBN under RSB (Ruel S. Bayani) unit ang kanyang comeback project.
Ayon kay Kaye, sobrang na-miss niya ang pag-arte kaya naman heto siyang muli ngayon.
“‘Pag tinatanong nila ako dati kung ‘How do you see yourself 10 yrs. from now?’ lagi kong sinasabi, ‘‘Pag nag-asawa na ako, hindi na ako mag-aartista.’ Sinabi ko ‘yun, ‘di ba?
“Pero nu’ng nagka-asawa ako, nagka-anak ako, ‘pag nanonood ako ng TV, nakaka-miss din,” sabi ni Kaye sa presscon kahapon.
Kaya naman blessing daw na tinawagan siya for Nang Ngumiti ang Langit at nagustuhan naman niya dahil nga sandali lang ang kanyang role rito since hindi naman daw siya puwede pang tumanggap ng regular series dahil nga sa kanyang baby.
Dahil based na ang aktres sa Cebu, natanong sa kanya kung hindi ba sila nagkikita ng ex-boyfriend and ka-love team niyang si John Lloyd Cruz na ru’n din nakabase kasama naman ang partner na si Ellen Adarna?
“Hindi naman kami nagkikita pa,” natatawang sabi ni Kaye na parang ayaw paniwalaan ng press dahil maliit lang naman ang Cebu para hindi sila magkita.
Anang aktres ay talagang hindi, at lagi naman daw siyang nasa labas pero hindi niya nakikita talaga si Lloydie.
“Ang daming nagtatanong niyan, pero hindi pa talaga kami nagkikita. Baka ayaw na ng tadhana na magkita kami. Kasi maayos na ‘yung mga buhay namin.”
Matagal na raw silang walang communication ni Lloydie at ang huli ay noong time na si Angelica Panganiban pa ang girlfriend nito. Pero happy naman daw siya para sa aktor.
“May anak na rin siya. Kumbaga, lahat kami, may pamilya na rin,” she said.
Wala ba silang planong mag-bonding man lang since pareho naman silang nasa Cebu na?
“Wala, ewan ko, ha, kasi, hindi na kami in touch ni Lloydie. Si Ellen and si Paul Jake, friends sila, pero hindi rin ganu’n ka… like barkada talaga na they hangout, wala.”
Samantala, ginagampanan ni Kaye ang role na nanay ng batang si Mikmik portrayed by Sophia Reola sa Nang Ngumiti ang Langit at mawawala rin agad ang kanyang karakter.
Magsisimula na ang Nang Ngumiti ang Langit ngayong Lunes (March 25) bago mag-It’s Showtime mula sa direksiyon ni FM Reyes. Kasama rin sa serye sina Cristine Reyes, RK Bagatsing, Enzo Pineda, Pilar Pilapil, Matet de Leon, Keempee de Leon, Dante Rivero at mga child stars na sina Heart Ramos, Miguel Vergara at Krystal Mejes.
Opmerkingen