top of page
Search
  • BULGAR

Mga sintomas ng colon cancer na dapat bantayan

Dear Doc. Shane,

Dalawang taon na ang nakalilipas nang mamatay ang tatay ko sa edad na 63 dahil sa colon cancer. Maaari ba naming mamana ang sakit na ito? Ano ba ang sanhi at sintomas nito na dapat bantayan? — Edgar

Sagot

Ang colon cancer ay isang uri ng sakit sa large intestine o colon, ang ibabang bahagi ng sistemang panunaw. Ang rectal cancer naman ay kung matatagpuan ang cancer sa huling apat na pulgada ng bituka. Ang sakit na ito ay kadalasang tinatawag na colorectal cancer.

Narito ang mga sintomas ng colon cancer:

  • Pagbabago sa pagdumi, pagtatae o kahirapan sa pagdumi at biglaang pagbabago sa hitsura ng dumi.

  • Pagdurugo ng puwit at pagkakaroon ng dugo sa dumi.

  • Madalas na pagsakit ng tiyan, paghilab, kabag at iba pa.

  • Panghihina o pagkahapo.

  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang.

Narito ang mga sanhi ng colon cancer:

Hindi malinaw kung ano ang sanhi ng cancer sa bituka subalit, alam ng mga doktor na ang colon cancer ay nangyayari kung ang malusog na mga selyula sa bituka ay nagkaroon ng pagkakamali sa DNA nito.

Ang malusog na mga selyula ay lumalaki at nahahati sa maayos na paraan para mapanatiling malusog ang katawan ng tao. Kapag ang DNA ay nasira at ang selyula ay naging cancerous, ito ay patuloy pa rin sa pagpaparami kahit pa hindi naman kailangan ng bagong mga selyula. Habang dumarami ang depektibong cells, nabubuo naman ang tumor.

Sa paglipas ng panahon, ang cancer cells ay lalong dumarami habang sinisira ang malusog na tissues na malapit sa kanila. Ang cancerous cells ay may kakayahang maglakbay sa iba pang bahagi ng katawan. Ang pagkakaroon ng namanang sakit sa genes ay maaaring magpalaki ng posibilidad na magkaroon ng colon cancer.

Narito ang ilang mga sitwasyon na nagpapataas sa posibilidad na magka-colon cancer ang isang tao:

  • Matandang edad

  • Pagkakaroon ng colorectal cancer o polyp

  • Kamag-anak na nagkaroon ng cancer sa bituka

  • Pagkain ng matataba

  • Kakulangan sa ehersisyo

  • Labis na katabaan

  • Paninigarilyo

  • Pag-inom ng alak

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page