top of page
Search
  • RJ Nieto

Pagbabakuna sa mga bata, walang takutan


PINAG-AARALAN ng Department of Education (DepEd) ang panukala ng Department of Health (DOH) na pagbawalang mag-enroll ang mga batang hindi nabakunahan sa gitna ng diumano’y tigdas outbreak sa bansa.

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, kailangan pa raw pag-aralan ang legalidad ng panukala dahil puwede itong lumabag sa karapatan ng mga bata at ng kanilang mga magulang.

Sang-ayon naman tayo na kailangang bakunahan ang mga bata, lalung-lalo na para sa mga sakit na bakuna lang ang pinakamabisang solusyon tulad ng polio, tetano, tigdas, beke at Hepatitis B. Kung hindi pa nabakunahan ang inyong mga anak, mangyaring dumaan na sa pinakamalapit na health center para mabakunahan sila.

Nasa huli ang pagsisisi, mga kaibigan.Pero siyempre, hindi natin maiwasang magduda sa panukala ni DOH Sec. Francisco Duque III dahil hindi pa malinaw kung ano ang nilalaman nito.

Tara at isa-isahin natin ang mga posibleng issue sa panukalang ito.Unang isyu: Pag-abuso ng awtoridad sa public vaccination program.Noong 2016, nagkaroon ng malawakang pagbabakuna laban sa dengue gamit ang Dengvaxia na kamakailan lang ay ipinagbawal na sa Pilipinas.

Inaasahan man nating hindi gagawin ng administrasyong Duterte ang ginawa nina ex-P-Noy at dating DOH Sec. Janette Garin. Gayunman, paano kung hindi na si Pangulong Duterte ang pangulo at magbalik ang mga dilawan? Kung gagawing sapilitan ang pagbabakuna, paano kung i-require ng bagong pangulo ang pagbabakuna ng isa na namang experimental vaccine tulad ng Dengvaxia?Dapat linawin sa “No Vaccination, No Enrollment Policy” ang kinakailangang mga bakuna.

Tama lang na isama ang bakunang subok na tulad ng MMR (measles, mumps, rubella), pero hindi dapat isama rito ang mga kaiimbento pa lamang na bakuna na hindi pa sigurado kung ano ang mga side-effect.

Ikalawang isyu: Kakulangan ng mga bakuna.Kumpleto ang pondo ng ahensiya ngayon para mabakunahan ang lahat ng bata, pero hindi rin ganito ang kuwento ilang taon lang ang naka­lipas.

Ayon mismo sa datos ng ahen­siya, matindi ang naging kakulangan ng bakuna noong panahon ni ex-P-Noy. Noong 2017, halimbawa, may 83% na kakulangan ng MMR vaccine ang mga health center kaya isa lamang sa bawat limang gustong magpabakuna ang nakatanggap nito. Gustuhin man nilang magpabakuna, walang bakuna sa kanila.

Pagbabawalan ba nating pumasok sa eskuwelahan ang mga bata dahil sa kapabayaan ng gobyerno? Malinaw dapat ang panukalang-patakaran ng ahensiya tungkol dito, dahil hindi naman ito patas para sa taumbayan.

Ikatlong isyu: Mga batang hindi puwedeng bakunahan dahil sa “pre-existing condition”.

May mga batang hindi maaaring bakunahan dahil hindi akma sa kalusugan nila. Halimbawa, hindi puwedeng tumanggap ng MMR ang mga batang may napakahinang resistensiya tulad ng mga nagpapa-chemotherapy o ‘yung mga may matitinding allergy sa bakunang ito.

Kailangang linawin kung paano ang magiging patakaran para sa mga kasong ito.Hindi lang ito ang isyung kinahaharap ng panukala ng ahensiya kaya hindi natin maiwasang magduda kung papayagan itong ipatupad sa mga pampublikong eskuwelahan, pero sa totoo lang, hindi natin ma-gets kung bakit kailangang takutin agad ang mga magulang gamit ang patakarang ito, samantalang, puwede namang hikayatin sila nang mahinahon para mapabakunahan ang kanilang mga anak.

Sa ngayon, wala pa tayong nakiki­tang malawakang information campaign ang ahensiya para enggan­yuhin ang mga magulang na magpabakuna ng mga bata. Na-miss tuloy natin ‘yung panahon ni dating DOH Sec. Juan Flavier, kung saan tinadtad tayo ng naka­aaliw na TV commercials tungkol sa mga programa ng ahensiya.

Pero imbes na tularan ang mga magagandang ginawa ng ahensiya sa ilalim ni ex-Sec. Flavier, tila kating-kati si Sec. Duque na gumamit agad ng pananakot para mabakunahan ang mga bata.

Bakit ganito, Sec. Duque, samantalang, ang dami-raming mga alternatibong paraan para hikayatin ang mga magulang? Pananakot ba ang dapat unang hakbang? Ganito ba ang tamang pag-iisip ng pangunahing manggagamot ng bayan?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page