News @Balitang Probinsiya | August 22, 2024
AKLAN -- Isang most wanted na magnanakaw ang dinakip ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Tigayon, Kalibo sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang suspek, nasa hustong gulang at pansamantalang nakatira sa nabanggit na barangay habang iniimbestigahan siya sa himpilan ng pulisya.
Nabatid na dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong theft sa nasabing lalawigan.
Ayon sa ulat, nakita ng mga otoridad ang suspek sa nasabing barangay kaya agad itong dinakip.
Sumama naman ang suspek at hindi nanlaban nang arestuhin ng mga otoridad.
BEBOT, BIKTIMA NG SALVAGE
GENERAL SANTOS CITY -- Isang bangkay ng babae na biktima ng salvage ang natagpuan kamakalawa sa matalahib na lugar sa Sitio Reformvill, Brgy. Calumpang sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktima na si Gina Guilaran, 35 at residente sa nasabing lungsod.
Nabatid na ilang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa natagpuan nilang bangkay ng biktima na nakalagay sa isang plastic bag sa talahiban sa naturang barangay.
Inaalam pa ng mga otoridad ang armas na ginamit sa pagpatay sa biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad para mabatid ang motibo sa naganap na krimen.
LENDING COLLECTOR, NILIKIDA
NEGROS OCCIDENTAL -- Isang lending collector ang namatay nang barilin ng isang hindi kilalang armadong lalaki kamakalawa sa Brgy. Consing, EB Magalona sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang biktima habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad.
Ayon sa ulat, habang lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo sa nasabing lugar ay biglang sumulpot ang suspek at binaril sa ulo ang lending collector.
Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang salarin.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek.
LOLO, ARESTADO SA BOGA AT MGA BALA
PALAWAN -- Isang 73-anyos na lolo ang dinakip ng pulisya nang makumpiskahan ng isang baril at mga bala kamakalawa sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. .Panitan, Quezon sa lalawigang ito.
Ang suspek ay itinago ng pulisya sa alyas na “Lolong,” at residente ng nasabing barangay.
Napag-alaman na may nagbigay impormasyon sa pulisya na may baril ang lolo kaya ni-raid nila ang bahay ng suspek.
Nabatid na sinalakay ng mga otoridad sa bisa ng search warrant ang bahay ng suspek at dito nakumpiska ang isang baril at mga bala.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.
Comments