top of page

Walang lesson, walang session: Guro, isang buwang bakasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 9, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | Apr. 9, 2025



Editorial

Sa pagtatapos ng School Year 2024-2025, inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na pagkakalooban ang mga guro ng “uninterrupted and flexible” vacation sa loob ng tatlumpung araw. Ibig sabihin, hindi kailangang gumawa ng mga titser ng school-related task sa mga susunod na linggo.


Batay sa updated guidelines ng DepEd, papayagan ang mga guro na i-schedule ang kanilang 30-day break sa pagitan ng Abril 16 hanggang Hunyo 1, 2025, nang dire-diretso o pautay-utay.


Ang mga guro ay ang pundasyon ng edukasyon. Kung ang mga guro ay hindi nakakatanggap ng sapat na pahinga, ito ay may direktang epekto sa kalidad ng edukasyon na kanilang naibibigay. 


Kung saan, ang mga guro na may sapat na pahinga ay mas motivated, mas masaya, at mas makakatutok sa pangangailangan ng kanilang mga estudyante. 


Samantala, kung walang pagkakataong makapagpahinga, nagiging madali para sa kanila na makaranas ng burnout — nawawala ang sigla at enerhiya para sa trabaho. 


Ang pagtuturo ay hindi lamang isang intelektwal na gawain, kundi isang emosyonal na hamon din. Madalas ang mga guro ang nagiging unang tagapakinig at tagapayo ng kanilang mga estudyante. Dahil dito, kailangan nilang mapanatili ang malusog na mental at emosyonal na estado. Kailangan din nila ng pagkakataon na maglaan ng oras para sa pamilya, mga kaibigan, at mga aktibidad na nagpapasaya sa kanila. Ang ganitong uri ng pahinga ay mahalaga upang mapanatili ang balanse sa kanilang personal at propesyonal na buhay.


 Sa kabuuan, ang pahinga ay hindi isang luho kundi isang pangangailangan para sa mga guro. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page