top of page

‘Wag magpadikta, pairalin ang konsensiya sa pagboto

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 12
  • 1 min read

by Info @Editorial | May 12, 2025



Editorial

Ngayong araw, muling susubukin ang kinabukasan ng ating bayan. 

Milyun-milyong Pilipino ang dadagsa sa mga presinto upang pumili ng mga lider na mamumuno sa susunod na mga taon. 


Sa gitna ng init ng araw, mahahabang pila, at tensyon sa pagitan ng magkakaibang panig, isa lang ang hindi dapat matahimik — ang ating konsensiya.Sa boto ng bawat isa ay nakataya ang kinabukasan ng edukasyon ng mga bata, ang kalusugan ng mga mamamayan, ang trabaho para sa naghihirap, at ang hustisya para sa mga naaapi. 


Kaya ngayong araw, huwag basta bumoto. Bumoto nang may pagninilay. Bumoto nang may paninindigan.Walang perpektong kandidato, ngunit mayroong tama sa pagitan ng mali. Hindi sa kulay o kasikatan nasusukat ang isang lider, kundi sa kanyang kakayahan, katapatan, at malasakit sa bayan. 


Huwag hayaang madiktahan ng pera, takot, o impluwensya ang iyong desisyon. Tanging ang konsensiya lamang ang dapat mong sundin.Ngayong araw ng halalan, tahimik ang boto, ngunit malakas ang epekto. Isang araw lang ito sa kalendaryo, pero may bigat na maaaring maramdaman sa loob ng maraming taon. 


Kaya bago itiman ang bilog sa balota, tanungin ang sarili: ito ba ang lider na nais kong ipagkatiwala ang kinabukasan ng aking pamilya at ng aking bayan?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page