ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 28, 2024
Dear Sister Isabel,
Muntik na akong matukso ni Satanas. Nagse-serve ako sa simbahan bilang church leader, pero pansin ko karamihan sa mga naglilingkod ay sila pang mga tsismosa at mapagmataas, maski ang kanilang mga kapitbahay ay hindi nila makasundo at kung minsan ay pinagbabantaan pa nila ang mga ito.
Kaya sa tuwing natatapos ‘yung duty ko sa simbahan, umuuwi agad ako sa bahay at doon ako nagdarasal ng tahimik at payapa. ‘Yan ang routine ko araw-araw, pero kahit na ganyan ang sistema ko, nagkasala pa rin ako.
‘Yung pangulo kasi namin dito sa sub-parish, kahit siya ang mali, ‘di siya tumatanggap ng suggestion. Siya raw ang masusunod dahil siya ang pangulo, nagsisisigaw siya sa loob mismo ng simbahan, laging mainit ang ulo, at hindi marunong umunawa. Mayroon bang ganun? Pangulo siya, pero ang kitid niya mag-isip. Hindi ko tuloy maiwasang ‘di siya sagut-sagutin dahil wala siyang pinapakinggan na suggestion.
Kaya ayokong nagtatagal sa simbahan, eh. Mabuti pa sa bahay, nararamdaman ko pa ang presence ng Holy Spirit, parang ayoko na tuloy magsimba. Nagkakasala lang kasi ako kapag nakikipagsalamuha ako sa mga taong simbahan na makikitid ang utak. Tama ba iniisip ko? Hindi na lang ako magsisimba para ‘di na rin ako magkasala. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Gloria ng Batangas
Sa iyo, Gloria,
Sa totoo lang nasa sa iyo ‘yan kung magsisimba ka ba araw-araw, tuwing Linggo o kapag fiesta na lang ng patron saints. Sundin mo kung ano ang nagpapagaan sa kalooban mo. As long as hindi ka gumagawa ng masama sa iyong kapwa at wala kang iniisip kundi gumawa ng mga bagay na ikalulugod ng Diyos.
Ang mahalaga, nananampalataya at nananalig ka na walang halong pag-aalinlangan sa Diyos Amang Kataas-taasan. Ugaliin mo pa rin ang pagdarasal, huwag mo rin kalimutan na magpasalamat sa lahat ng biyayang natatanggap mo.
Hanggang dito na lang, sumaiyo nawa ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Commentaires