Suwerteng kulay, araw at petsa para magbenta ng insurance

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 26, 2020
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ang magiging kapalaran ko at ano ang kahulugan ng birthday kong May 6, 1989? Gayundin, gusto kong malaman ang aking masuwerteng kulay at kung susuwertehin ba ako sa kasalukuyan kong trabaho na agent ng insurance?
Pangarap ko ring yumaman, kung matutupad ang aking pagyaman, kalian ito magsisimulang mangyari?
Umaasa,
Jenny ng Santa Clara, Cuyapo, Nueva Ecija
Dear Jenny,
Dahil ang birth date mong 6 ay nasa ilalim ng planetang Venus, ganundin ang zodiac sign mong Taurus ay may kaakibat na ruling planet na Venus, tunay na ikaw ay susuwertehin sa pag-aahente dahil sa taglay mong lambing at kakaibang kagandahan.
Bukod sa pag-aahente ng insurance, tugma rin sa kapalaran mo ang pag-aahente o pagbebenta ng mga produktong may kaugnayan sa pagpapaganda, masasarap na pagkain, magagarang sasakyan, original at hindi pangkaraniwang damit at puwede rin sa iyo ang mga produktong pabango, alahas at iba pang gamit sa katawan. Kapag ganyang mga kalakal ang sinubukan mong ibenta o ialok, kahit online o personal pa kung saan sasamahan mo ng matipid na ngiti, tiyak ang magaganap – ang taglay mong kagandahan ang aakit ng mga buyer o kliyente na sa bandang huli ay magpapaunlad ng negosyo kung saan lalaki nang lalaki ang iyong tubo at komisyon hanggang sa tuluyan kang yumaman.
Dagdag pa rito, upang mabilis na umikot ang mga produkto at maibenta nang walang sablay, mas makabubuti ring lagi kang magsuot ng kulay na pula o pink hanggang sa matingkad na asul. Palagi ka ring lalakad o mag-aalok ng iyong kalakal tuwing sasapit ang mga araw ng Biyernes, Martes, Huwebes at Linggo, higit lalo sa mga petsang “divisible by 3-6-9” tulad ng 12, 21, 27 at 30.
Kaya ituloy mo lang ang iyong trabaho, negosyo o hanapbuhay ngayon na may kaugnayan sa insurance at idagdag mo ang mga produktong binanggit sa itaas, makikita mo na lilipas ang humigit-kumulang dalawa hanggang tatlong taon sa edad mong 33 pataas, sa 2022 kung saan ang 2022 ay may sumatotal na 6 (dahil ang 2022 ay 20+22=42/ 4+2=6), habang ang edad mong 33 ay may sumatotal ding 6 (dahil ang 33 ay 3+3=6), tiyak ang magaganap— maunlad na maunlad na ang iyong negosyo hanggang sa tuluy-tuloy ka na ring yumaman.




Comments