Sumakay pa ng tren... 15-anyos na lalaki, naglakad habang tulog, 100 milya ang narating
- BULGAR
- Sep 17, 2023
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @Gulat Ka 'No?! | September 17, 2023

Na-imagine mo na ba 'yung isang umaga, nagising ka sa lugar na hindi mo maalala kung paano ka nakarating du'n?
Tipong natutulog ka lang sa kwarto pero nang magising ay nasa garahe ka na.
Well, may iba na talagang nakararanas nito, ngunit aakalain n’yo bang may taong nag-sleepwalk ng 100 milya mula sa kanyang bahay?
Ang kakaibang kuwentong ito ng isang batang lalaki ay naging record-breaking noong 1980s.
Noong Abril 6, 1987, isang batang lalaki na nagngangalang Michael Dixon ang natagpuang gumagala nang nakapaa sa isang riles ng tren sa Peru, Indiana, USA, at nakasuot lamang ng kanyang pajama.
Siya ay sinasabing nag-sleepwalk at sumakay sa isang goods train sa Danville, Illinois, at naglakbay ng 160 km (100 mi) na distansya nang wala siyang malay kung ano ang kanyang ginagawa.
Ang kuwentong ito ay umani ng maraming atensyon, at nakasama sa Guinness World Records 1989 sa pahinang pinamagatang 'Physiology'.
Ang kanyang istorya ay lumabas kasabay ng mga kuwento ng ‘longest sneezing’, kung saan isang 15-anyos na batang babae ang humihikab sa loob ng limang linggo, at ang kuwento ng isang lalaking sinisinok sa loob ng 68 years.
Huling nakita si Michael alas-10 ng gabi at sa pagkakaalam ng kanyang ina na si Dorethea Dixon, ay nakahiga pa rin siya sa kanyang kama hanggang sa makatanggap siya ng tawag sa telepono mula sa pulis sa Peru noong madaling-araw na iyon para sabihing natagpuan nila ang kanyang anak.
Nagpasya si Dorothea na dalhin ang kanyang anak sa doktor, dahil noon pa man, hindi niya naisip na maaaring mapanganib pala ang pag-sleepwalking ng kanyang anak.
Isang caseworker mula sa Miami County Welfare Department ang nakapanayam kay Michael, at nagsabi sa kanya na hindi niya natatandaang sumakay o bumaba siya ng tren. Sinabi niya rin na ang naaalala niya lamang ay nahihilo siya bago matulog, at pagkatapos ay nanaginip umano siya na hinahabol siya at tumatakbo papunta sa aparador.
Nagsabi ang caseworker na si Pamela Smith na hindi pa siya nakakakita ng isang kaso na tulad nito kung saan ang tao ay walang maalala tungkol sa kung paano sila nakarating mula sa point A hanggang sa point B.
Kaya mga ka-BULGAR, sadyang delikado ang pag-sleepwalk, maaari tayong madisgrasya. Mas okey kung magpakonsulta tayo sa doktor para maagapan.





Comments