Single mom, utusan na lamang ng kanyang anak
- BULGAR
- May 17, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 17, 2023
Dear Sister Isabel,
Thirty-five yrs. old pa lang ay biyuda na ako, at ang aking mga anak ay maliliit pa. Ang panganay ko ay 5-anyos, ‘yung pangalawa ko naman ay 4-anyos, habang 1 yr. old naman ang aking bunso. Ginapang ko sila sa kahirapan upang ‘di nila maramdaman na mayroong kulang. Ngunit nang sila’y tumanda, para bang nagbago ang ihip ng hangin.
Ang aking panganay ay ginagawa na lamang akong utusan, habang ‘yung pangalawa ko naman ay nasa abroad, bagama’t malaki ang kanyang suweldo, kapiranggot naman ang ipinadadala sa akin at may maririnig ka pang masasakit na salita. Samantala, ang aking bunso ay mayroong matatag na trabaho bilang engineer, ngunit mula nang mag-asawa ito ay ‘di na ko inaabutan. Nagbibigay lang siya sa kanyang biyenan dahil ito umano ang nag-aalaga sa kanilang anak. Alagaan ko raw ang anak niya upang pasuwelduhin niya ako.
Sister, matanda na ko, ngunit gagawin pa niya akong tagapag-alaga ng anak niya, kahit kung tutuusin ay gradweyt na ako sa ganyang bagay dahil sila mismo ay inalagaan ko.
Nakakasama ng loob, nais kong ipagsigawan na may magulang pa sila na dapat mahalin, respetuhin, at paglingkuran. Hindi ko alam kung bakit ganito ang trato nila sa akin.
Ang sakit, Sister Isabel, paano ako makakapag-adjust sa ganitong sitwasyon? Hirap na ang kalooban ko, at ‘di ko alam kung hanggang kailan ko matitiis ang ganitong sitwasyon.
Sana ay mapagaan niyo ang loob ko sa pamamagitan ng iyong payo upang maibsan ang kalungkutang nararamdaman ko.
Nagpapasalamat,
Emma ng Daet, Camarines Sur
Sa iyo, Emma,
Nakakalungkot nga ang dinaranas mo. Gayunman, magpasalamat ka pa rin sa Poong Maykapal dahil malusog ka at walang karamdaman.
Tanggapin mo na lang sa iyong kalooban na lahat ng taong nabubuhay sa mundo ay may problema at patay lang ang walang problema. Alalahanin mo na buhay ka pa at nakikitira sa mundong ito, mabuti ka, ganyan lang ang problema mo at ‘di tulad ng iba na sadyang napakabigat ng dinadala.
Gayunman, ikaw ang gumawa ng paraan upang pasayahin ang iyong sarili. Bumarkada ka sa mga taong masayahin, palasimba at may positibong pananaw sa buhay. Libangin mo ang iyong sarili at higit sa lahat, idulog mo sa Diyos ang iyong mga hinaing at pinagdaraanan.
Mahal ng Diyos ang mga biyuda, at isa na ko roon. Biyuda rin ako, pero magaan kong hinaharap ang lahat ng problema ko, maliit man o malaki ‘yan dahil alam kong ito’y pagsubok lamang.
Ganyan tayo kamahal ng Diyos kaya ‘wag ka nang malungkot. Laging tandaan, life is what we make it. Ikaw ang gagawa ng paraan upang mapaganda ang iyong buhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo







Comments