top of page

‘Scam calls’, namamayagpag, ingat!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 4, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | Apr. 4, 2025



Editorial

Patindi nang patindi ang diskarte ng mga scammer.


Sa ngayon, namamayagpag naman ang ‘scam calls’ o panloloko sa pamamagitan ng tawag sa telepono. 


Batid naman natin na marami sa mga scammer ang gumagamit ng makabagong teknolohiya upang manipulahin at linlangin ang mga biktima, kaya’t nagiging mahirap para sa mga ordinaryong tao na makilala kung ito ba ay lehitimong tawag.


Ang scam calls ay hindi lamang abala, puwede rin itong magdulot ng matinding pinsala, lalo na sa mga hindi pamilyar sa ganitong uri ng panloloko. Nar’yan ang maaaring mawalan ng pera, magamit ang personal na impormasyon sa ilegal at krimen. 


Karaniwan nang inaakit ng mga scammer ang kanilang mga target gamit ang mga pekeng alok, reward, o mga ‘urgent’ na mensahe na humihingi ng mga personal na detalye tulad ng password, bank account, at iba pang sensitibong impormasyon.


Ang diskarte ng mga scammer, papaniwalain ang biktima na sila’y mula sa lehitimong kumpanya o ahensya ng gobyerno, sabay mag-iimbento ng kuwento hanggang sa mabudol ang target. 


Ang mga scam na ito ay maaaring mangyari sa anumang oras, kahit saan, at kahit kanino.


Kaya patuloy na mag-ingat at dapat ay may alam sa mga bagong pamamaraan ng mga scammer para ‘di mabiktima. 


Gayundin, ang pagpapalaganap ng impormasyon ay isang mahalagang hakbang kontra scam calls. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga karanasan, tips, at mga babala sa ating mga komunidad, maaari nating matulungan ang isa’t isa na maging mas maingat at handa sa mga ganitong uri ng panloloko. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page