top of page
WINNER - TITO-KIKO SA 2028, ISINUSULONG-IG _reallysharoncuneta.jpg

Pope Leo XIV, magiging ilaw sa mga kaluluwang naliligaw ng landas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 11, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 11, 2025



Boses by Ryan Sison

Hindi ba panahon na para muling tanungin kung saan na nga ba patungo ang ating pananampalataya sa gitna ng makabagong mundo? 


Sa kanyang unang misa bilang ika-267 Santo Papa sa Vatican, hinimok ni Pope Leo XIV ang Simbahang Katoliko na harapin ang hamon ng unti-unting pagkalayo ng maraming tao sa pananampalataya. 


Hindi rin niya ikinubli ang realidad, na sa kasalukuyang panahon, tila dumarami na ang humihiwalay sa simbahan at sa mga aral nito. 


Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Santo Papa na isa sa mga pangunahing dahilan ng paglayo ng tao sa Diyos ay ang lumalalang pagkahumaling sa teknolohiya, pera, tagumpay, kapangyarihan at karangyaan. Aniya, para bang nababaling na ang atensyon ng mga tao sa mga bagay na pansamantala at makamundo, imbes na sa mga bagay na maka-Diyos at pangwalang-hanggan. Gayunman, hindi ito panahon para panghinaan ng loob. 


Ayon kay Pope Leo XIV, kailangang muling manindigan ang simbahan bilang ilaw sa dilim, at gabay sa mga kaluluwang naliligaw ng landas. 


Hindi na sapat ang mga lumang paraan. Panahon na para magbago ng panghihikayat, upang muling makipag-ugnayan sa mga mananampalatayang tila napalayo na — hindi upang husgahan, kundi upang akayin pabalik. 


Sa ganang akin, napapanahon ang panawagang ito ng mahal na Santo Papa. Sa mundong puno ng ingay at tukso. Marahil, panahon na rin para ang simbahan ay maging mas bukas, mas makinig, at higit sa lahat, maging mas totoo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat indibidwal, at mas higit sa kanilang espirituwal.

Sikapin din nating lahat na ibalik ang ating tapat at mainit na paglilingkod sa Diyos sa kabila man ng ating mga kaabalahan.  


Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang basta paniniwala, kundi isang pamumuhay na may saysay at layunin — kahit sa gitna ng mundong pabago-bago.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page