Paulit-ulit na problema sa balikbayan box, tapusin na
- BULGAR

- 22 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | December 20, 2025

Kada taon, paulit-ulit na lamang ang kwento: may Pasko, may OFW na umaasa, at may balikbayan box na hindi dumarating sa oras.
Sa halip na saya, pangamba at pagkadismaya ang bumabalot sa mga nagpadala at pamilyang naghihintay.
Ang balikbayan box ay hindi ordinaryong kahon. Ito ay pinag-ipunan, pinagtiyagaan at kadalasang pinuno ng mga regalong hindi para sa sarili kundi para sa pamilya.
Kapalit nito ang Paskong malayo sa mahal sa buhay, ang pagod sa ibang bayan, at ang lungkot ng mag-isang pagdiriwang.
Kaya’t kapag ito’y natetengga sa pantalan o bodega dahil sa kapabayaan, malinaw na insulto ito sa dignidad ng mga OFW.
Kung may kakayahang maningil ng buwis at magpataw ng bayarin, dapat ding may kakayahang maghatid ng serbisyo nang maayos.
Hindi sapat ang pangakong “aayusin”. Ang kailangan ay konkretong pananagutan. May dapat managot at may sistemang dapat baguhin.
Wala na sanang natetenggang balikbayan box dahil hindi natetengga ang sakripisyo ng mga OFW.
Hindi rin dapat natetengga ang malasakit ng pamahalaan. Kung tunay na pinahahalagahan ang mga bagong bayani, patunayan ito—hindi sa salita, kundi sa maayos, mabilis, at tapat na serbisyo.






Comments