Paniningil sa mga pangako ng kandidato, next
- BULGAR
- 2 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 13, 2025

Hindi nagtatapos ang papel ng mamamayan sa pagboto lamang.
Sa halip, doon pa lamang nagsisimula ang tunay na hamon ng pagiging isang responsableng mamamayan — ang pagbabantay at paniningil sa mga nanalong opisyal kung sila ba’y tutupad sa kanilang mga pangako at gaganap nang tapat sa tungkulin.
Hindi maikakaila na sa panahon ng kampanya, marami sa mga kandidato ang todo-pramis ng magagandang plano para sa bayan.
Ngunit ilan sa kanila ang matapos mahalal ay nalilimutan ang kanilang sinumpaang tungkulin. Ang iba pa nga ay nalulunod sa kapangyarihan, at sa halip na pagsilbihan ang taumbayan, ay sarili nilang interes ang inuuna. Kaya naman mahalaga ang pagbabantay.
Ang demokrasya ay hindi lamang umiikot sa karapatang bumoto kundi sa aktibong partisipasyon sa integridad ng gobyerno.
Kailangang ipaalala sa mga halal na opisyal na sila ay lingkod-bayan, hindi panginoon. Sa pamamagitan ng mapanuring pagtingin sa mga proyekto, paggamit ng pondo, at pamamalakad ng mga lider, maipapakita nating hindi tayo basta-bastang makalilimot o mapapaniwala.
Sa huli, ang tagumpay ng halalan ay hindi lamang nasusukat sa dami ng bumoto o sa bilis ng bilangan ng boto, kundi sa kung paano natin sinisigurong ginagampanan ng mga halal ang kanilang tungkulin.
Ang tunay na tagumpay ay kapag ang bayan ay nagkaisa, hindi lang sa pagpili ng pinuno, kundi sa patuloy na pagpapaalala sa kanila kung bakit sila naroon—upang magsilbi, hindi paglingkuran.
Comentários