Panahon na para tuparin ang pangakong laban sa korupsiyon
- BULGAR
- 4 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 16, 2025

Sa pagtatapos ng halalan, tapos na rin ang ingay ng kampanya, mga pangakong binitiwan sa entablado, at salitang puno ng pag-asa.
Gayunman, para sa mga nanalong opisyal, nagsisimula pa lamang ang tunay na laban — ang laban para sa tunay na pagbabago, at higit sa lahat, kontra korupsiyon.
Ang korupsiyon ay matagal nang salot sa pamahalaan. Ito ang ugat ng maraming suliranin: kahirapan, kakulangan sa serbisyong panlipunan, at kawalan ng tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
Hindi sapat ang magagandang salita sa kampanya. Kinakailangan ng konkretong aksyon: pagreporma sa mga bulok na sistema, pagpapalakas ng transparency, at pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal — kaalyado man o hindi.
Nasa kamay ngayon ng mga nanalong opisyal ang pagkakataong ipakita na ang kanilang panalo ay hindi para sa pansariling interes, kundi para sa kapakanan ng bayan.
Panahon na upang patunayan na ang pagbabago ay hindi lamang pangako.
Ang laban sa korupsiyon ay mahaba at mahirap. Ngunit kung may tapang, integridad, at tunay na malasakit, posible itong mapagtagumpayan.