Pamamahala sa bakuna kontra COVID-19, dapat tutukan!
- BULGAR

- Aug 1, 2020
- 1 min read
@Editorial | August 1, 2020
Magandang balita na malapit nang magkaroon ng bakuna kontra-COVID-19.
Nagsimula na rin ang ating gobyerno na paghandaan kung paano tayo makakabili at kung paano ito maipamamahagi nang maayos.
Ayon sa pamunuan ng Department of Finance, aabot sa $400 million o P20 billion ang kakailanganing pondo para sa nasabing bakuna, na batay sa datos ng Department of Health (DOH) ay target na maipamahagi sa 20 milyong katao.
Gayunman, bago tayo tuluyang magkaroon ng bakuna sa bansa, may mga proseso umano na dapat munang pagdaanan. Kailangan aprubahan ng Food and Drugs Administration ang bibilhing bakuna mula sa mga bansang lumikha nito. Ang DOH naman ang pipili kung anong tamang bakuna ang bibilhin para sa Pilipinas.
Kasunod nito, ang Philippine International Trading Corporation na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry ang gagawa ng procurement saka hihilingin sa Landbank at sa Development Bank of the Philippines na paglaanan muna ng pondo ang pagbili ng bakuna na babayaran ng gobyerno sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.
Ngayon, sakaling nakabili na ng COVID vaccine, sino na ang mangangasiwa sa pamimigay nito?
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga sundalo ang nakatalaga sa distribusyon ng nasabing libreng bakuna kontra COVID. Inatasan na rin ang Armed Forces of the Philippines na simulan na ang pagpaplano.
Batid naman nating bukod sa ating mga health care workers ay katuwang din sa paglaban sa pandemic ang mga pulis at sundalo.
Sadyang napakalaking responsibilidad ito lalo’t marami ang umaasa sa nasabing bakuna.
Ipagdasal, umasa at magtiwala tayong magagampanan nilang mabuti ang pamamahagi ng bakuna.
Nawa’y tapos na ang mga panahon na binabalot ng kontrobersiya ang mga programa at proyekto ng gobyerno — alang-alang sa buhay ng bawat Pilipino.



Comments