ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | August 1, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Glenda ng Ilocos Sur.
Dear Maestra,
Ano kaya ang ibig sabihin kapag madalas kang managinip ng taxi? Napanaginipan ko rin na nagtatrabaho ako sa isang tindahan.
Ano ang ibig ipahiwatig ng mga panaginip ko?
Naghihintay,Glenda
Sa iyo, Glenda,
Kung sa panaginip mo ay nag-aabang ka ng taxi, at ikaw ay hinintuan, ito ay nangangahulugan na makakapaglakbay ka sa malayong lugar. Makakaranas ka ng pagkabagot, at maiinip ka dahil bago ka makarating sa iyong pupuntahan, marami kang pagsubok at hamon na pagdaraanan.
Kung ikaw naman mismo ang nag-hire ng taxi, o ‘di naman kaya ay ikaw ang nagmamaneho nito, ito ay senyales na maaari kang magkaroon ng isang magandang trabaho. Ito rin ay pahiwatig na may makikilala kang lalaking guwapo at mayaman. Darating ang araw na liligawan ka niya. Magkakatuluyan kayo at magkakaroon kayo ng dalawang anak.
Samantala, ang nagtrabaho ka sa isang tindahan ay simbolo ng kaginhawaan sa buhay. Giginhawa na ang buhay mo, ‘yun bang sakto lang para sa buhay na pinapangarap mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Commentaires