Pagnenegosyo ng street foods, dapat gawin ng bebot na 'di pinalad sa abroad
- BULGAR
- Jan 22, 2024
- 3 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 22, 2024
Dear Sister Isabel,
Isa akong house wife habang tricycle driver naman ang asawa ko. Kadarating ko lang dito sa Pilipinas, hindi ko na natapos ang contract ko sa Hong Kong dahil hindi ko na kinaya ang ugali ng employer ko.
Iisa lang ang boss ko, may alaga siyang pusa na mahal na mahal niya, kaya iyon mismo ang naging trabaho ko, ang bantayan at alagaan ang pusa niya. Mukhang magaan lang pero napakahirap ng aking ginagawa. Nangangalmot ang kanyang alaga, mabuti na lang ay ‘di ako nito kinakagat. Ang hirap din nu’n pakainin at paliguan.
Buong akala ko ay tao ang aalagaan ko, mas okey pa sa akin kung ganu’n ang nangyari, kayang-kaya ko pa pero pagdating ko rito sa HK, pusa pala ang aalagaan ko. ‘Yung amo ko pa ay napakasungit, ‘pag may nangyari umanong hindi maganda sa pusa niya pakukulong niya ko.
Hindi siya nasiyahan sa pag-aalaga ko sa pusa niya, kaya tinerminate niya ako. 6 months palang ako nagtatrabaho sa kanya, at hindi na niya ibinigay ang huling 3 buwan na sana’y suweldo ko. Wala akong kapera-pera nang umuwi rito sa Pilipinas. Buwan-buwan din kasi akong nagpapadala sa pamilya ko.
Puwede ko bang ireklamo ang employer ko sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)?
Nagpapasalamat,
Jonalyn ng Roxas City
Sa iyo, Jonalyn,
Nakikisimpatya ako sa hirap na naranasan mo sa abroad, sa pag-aakalang uunlad at mahahango sa kahirapan ang inyong buhay. Sa kasamaang palad, minalas ka pa sa pagkakaroon ng masungit na amo at pusang napakahirap alagaan dahil nangangalmot.
Ganyan talaga ang buhay ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Isa na ako roon, sobrang hirap din nang dinanas ko sa abroad habang nagtatrabaho para sa aking pamilya. Muntik pa akong magbuwis ng buhay dahil sa aksidenteng dinanas ko roon. Kani-kanyang istorya, iba’t ibang angulo na may sumatotal na sakripisyo, hirap, at kapighatian upang mahango lamang sa hirap ang ating pamilya.
Ang maipapayo ko sa iyo ay pumunta ka sa OWWA, puwede rin naman sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ipagtapat mo sa kanila ang iyong dinanas sa abroad. Tutulungan ka nila at bibigyan ng puhunan kung gusto mong magbukas ng maliit na negosyo rito sa Pilipinas.
Itanong mo rin kung puwede mong kasuhan ang employer mo roon na hindi ka pinasuweldo. Sa aking palagay, makabubuting huwag ka na lang mangibang-bansa. Rito ka na lang sa ‘Pinas, kikitain mo rin naman ang sinusuweldo mo sa abroad. Lalo na kung magtutulungan kayo ng iyong mister. Magtinda ka ng street foods gaya ng fishball, kikiam, ihaw-ihaw at iba pa. Mabili ‘yan dito, kaya tiyak na kikita ka. Kaysa mag-abroad ka, ang dollar laging may kapalit na hindi maganda sa buhay ng isang pamilya, isa na rito ang pagkakaroon ng broken family.
Ang maipapayo ko sa iyo at pati na rin sa iba pang mag-asawa na nangingibang-bansa, magtulungan na lang kayo. Magbukas kayo ng maliit na negosyo rito sa 'Pinas. Sa awa at patnubay ng Diyos, tiyak na lalago ang iyong kabuhayan, basta’t panatilihin n'yo lang ang pagmamahalan sa hirap at ginhawa, gaya ng sinumpaan n'yo sa altar.
Ginagabayan ng Diyos ang mag-asawang nagmamahalan, magkasamang lumalaban at hindi naghihiwalay. Hindi natutulog ang Diyos. Hanggang dito na lang, ipanatag mo ang iyong isipan dahil may magandang bukas pang nakalaan para sa iyo. Matutupad mo na ang iyong mga pangarap sa piling ng iyong pamilya. Yayaman at giginhawa ka na rin.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo








Comments