Search
  • BULGAR

Paano magiging kuwalipikado sa SSS Educational Assistance Loan Program?

@Buti na lang may SSS | June 28, 2020


Dear SSS,

Magandang araw! Nais kong malaman kung mayroon bang educational loan ang SSS. Kung mayroon, paano makapag-apply sa programang ito? Salamat po. - Raphael

Sagot

Mabuting araw! Nagbibigay ng educational loan ang SSS sa mga miyembro nito. Ito ay ang Educational Assistance Loan Program (EALP) na naglalayong mapagkalooban ng tulong-pinansiyal ang mga miyembro at kanilang mga benepisaryo upang matustusan ang kanilang edukasyon o pag-aaral. Inilunsad ang programa noong 2012 sa pakikipagtulungan ng National Government na nagbigay ng bahagi ng pondo para rito.


Ang mga miyembro na nais mag-apply sa EALP ay dapat matugunan ang mga kondisyon sa ilalim ng programa. Una, ang edad ng miyembro ay hindi lalagpas ng 60. Kinakailangan din na ang kanyang buwanang kita o monthly basic income ay hindi hihigit sa P25, 000. Bukod dito, dapat nakapaghulog ang miyembro ng hindi bababa sa 36 na buwanang kontribusyon kung saan ang anim dito ay naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon.


Mahalaga rin na updated ang pagbabayad niya ng kanyang salary o housing loan at iba pang pautang ng ahensiya, kung mayroon man. Kung mayroon siyang overdue na loan balance, hindi siya kuwalipikado sa EALP.


Kabilang sa maaaring maging benepisaryo ng EALP ang mga sumusunod: Legal na asawa ng miyembro; kanyang mga anak maging ito man ay lehitimo, illegitimate o legal na inampon o mga kapatid ng miyembro kung wala itong asawa.


Hindi kuwalipikado sa EALP ang benepisaryo na full scholar sa paaralan. Hindi pinapayagan ang pagpapalit o substitution ng benepisaryo. Isang benepisaryo lang kada miyembro ang papayagan para sa EALP. Dapat na naka-enroll ang benepisaryo sa anumang undergraduate course sa alinmang unibersidad o kolehiyo na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) o mga institusyon na kinikilala ng Pamahalaan ng Pilipinas.


Ang pagbibigay ng EALP ay kada program term ng paaralan, kung kaya kailangang muling mag-apply ang miyembro para sa mga susunod na term hanggang sa makatapos o magamit na niya ang full allocation ng programa.


Sa EALP, ang termino ng pagbabayad ay hanggang limang (5) taon para sa mga degree course, at tatlong (3) taon naman para sa kumuha ng vocational o technical courses. Matapos ang huling pagbibigay ng pautang ay susumahin ang lahat ng nautang sa ilalim ng EALP.


Sisimulan ang pagbabayad matapos ang 18 buwan mula sa huling petsa ng pagbigay ng pautang para sa semestral na kurso samantala, 15 buwan naman para sa trimestral na kurso, at 14 buwan at 15 araw para sa quarter programs. Anumang natitirang utang sa ilalim ng EALP na hindi mababayaran ay ikakaltas sa final claim ng miyembro tulad ng retirement at death benefits.


Nais din naming linawin na ang EALP ay revolving fund. Ibig sabihin ang pondo ay inilalaan sa mga kasalukuyang benepisaryo. Kapag nakatapos na sila sa pag-aaral at nabayaran ang EALP, babalik ito sa pondo para maipautang naman sa ibang aplikante na nais mag-aral. Sa mga nais mag-apply sa EALP, sila ay ilalagay sa waiting list hanggang magkaroon ng available na pondo.


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.