by Info @Editorial | August 24, 2024
Sa panahon ng makabagong teknolohiya, ang internet ay isa nang pangunahing pangangailangan, hindi na lamang isang luho.
Kaya naman, naglabas na ng P3 bilyong pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa libreng WiFi sa buong Pilipinas.
Bahagi umano ng naturang programa ang pagtatayo at pagpapanatili ng ICT infrastructure gaya ng towers, data centers at internet connections.
Layon din nito na mapanatili ang internet connectivity sa mga pampublikong lugar gaya ng eskwelahan, libraries, parks at transportation hubs.
Ayon pa sa DBM, nasa 13,462 access point sites sa iba’t ibang lugar sa buong bansa ang inaasahang mabebenepisyuhan ng naturang pondo.
Subalit, habang maganda ang intensyon ng proyektong ito, hindi maiiwasang magtanong ang publiko — saan patungo ang P3 bilyong ito? Sa mga nagdaang taon, maraming proyekto ng pamahalaan ang hindi natupad dahil sa katiwalian at hindi maayos na implementasyon.
Kaya mahalaga na magkaroon ng transparency at accountability sa bawat hakbang ng pagpapatupad ng programang ito.
Kailangang masiguro na ang bawat sentimo ay gagamitin nang wasto at makakarating sa mga lugar na tunay na nangangailangan.
Sa panahon ng teknolohiya, mahalaga ang pagkakaroon ng malawakang internet access upang matiyak na ang bawat Pilipino ay hindi napag-iiwanan.
Comments