News @Balitang Probinsiya | August 5, 2024
CAMARINES SUR -- Isa na namang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga komunista kamakalawa sa Brgy. Tagpocol, San Fernando sa lalawigang ito.
Patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng komunistang napatay na NPA member na nag-o-operate sa nasabing lalawigan.
Nabatid na may nagbigay impormasyon sa mga otoridad na may mga gumagalang NPA sa naturang barangay kaya agad rumesponde ang tropa ng pamahalaan at pagsapit sa lugar ay agad pinagbabaril ng mga komunista ang mga operatiba.
Dahil dito, agad gumanti ng putok ang tropa ng pamahalaan kaya tinamaan at napatay ang isang miyembro ng NPA.
Tinutugis na ng mga otoridad ang iba pang NPA na nakatakas sa engkuwentro sa nasabing na barangay.
Mag-amang wanted, arestado
CAPIZ -- Dinakip ng pulisya ang mag-amang most wanted criminal kamakalawa sa Brgy. Daplas, Dao sa lalawigang ito.
Ang mag-amang suspek ay kinilala ng pulisya na sina Benjamin, 67 at Benjur Cuaga, 33, kapwa residente ng nabanggit na lalawigan.
Nabatid na dinakip ng pulisya ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nilang kasong murder.
Ayon sa ulat, may nagbigay impormasyon sa pulisya sa pinagtataguan ng mag-ama kaya agad rumesponde ang mga operatiba at dinakip ang mga suspek.
Hindi naman nanlaban sa pulisya ang mag-amang suspek na kapwa nakapiit na sa detention cell ng himpilan ng pulisya.
Beautician, timbog sa drug-bust
AKLAN -- Isang beautician na drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Balabag, Boracay Island, Malay sa lalawigang ito.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Acquilles,”nasa hustong gulang, at nakatira sa Iloilo.
Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatiba na nagpanggap na buyer.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng siyam na pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bebot na kawatan, tiklo
NEGROS OCCIDENTAL -- Isang babaeng magnanakaw ang dinakip ng mga otoridad kamakalawa sa Bacolod Silay Airport, Bacolod City sa lalawigang ito.
Nakilala ang suspek sa alyas na “Kristina,” nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na inaresto ng pulisya ang suspek sa kinasasangkutan nitong kasong theft sa Bacolod City.
Ayon sa ulat, may nag-tip sa pulisya na pauwi si “Kristina” sa Bacolod City lulan ng isang passenger airplane, kaya pagbaba nito sa eroplano ay dinakip na ito sa airport.
Nabatid na nakapiit na ang suspek sa detention cell ng himpilan ng pulisya.
Comments