Namamangka at malinaw na tubig sa ilog, senyales na may parating na problema
- BULGAR
- Apr 18, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 18, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Josie ng Makati.
Dear Maestra,
Labis akong nasisiyahan sa pagbabasa ng column n’yo dahil nakakalibang at may napupulot din akong mga aral sa buhay.
Napanaginipan kong nakasakay ako sa bangka at masayang sumasagwan paikot-ikot sa ilog na malapit sa bahay namin. May nadaanan akong tulay sa aking paglalayag sa ilog sa pamamagitan ng aking bangka. Malinaw ‘yung tubig sa ilalim ng tulay at kasiya-siya itong tingnan. Ang sarap ng pakiramdam ko at hindi naglaon, umahon na ako at naglakad na lang. Muli kong nadaanan ang tulay na patuloy na inaagusan ng malinaw na tubig. Sobrang sarap ng aking pakiramdam nang mga sandaling ‘yun. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Josie
Sa iyo, Josie,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na ikaw ay sumasagwan at naglalakbay sa ilog ay may paparating na gusot sa buhay mo. Subalit huwag kang mag-alala sa dahilang panandalian lamang ang gusot na ito dahil madali mong malulunasan at magagawan ng kaukulang remedyo. Ang sabi mo ay naglakad ka na lamang pauwi sa inyong bahay at nadaanan mong muli ang tulay na may umaagos na malinaw na tubig. Ito ay nagpapahiwatig na magtatagumpay ka sa iyong mga hangarin, subalit ito ay hindi agad-agad na mangyayari.
Sa halip, mangangailangan ka ng tiyaga at pagsisikap bago mo tuluyang makamit ang iyong pinapangarap. Dahil dito, makabubuting iwasan mong mainip sa iyong tagumpay. ‘Ika nga, kung may tiyaga, may nilaga.
Ang mahalaga, nakatakda mong maabot ang iyong mga pangarap. Naghihintay sa iyo ang malaking tagumpay at nakatunghay sa iyo ang Dakilang may lalang. Gayundin, mapasasaiyo ang mga pagpapala kung hindi ka mawawalan ng pag-asa at patuloy na mananalig sa sarili mong kakayahan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments