top of page

Mister na nag-o-overtime umano, buking ni misis sa pagsisinungaling

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 18, 2023
  • 3 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 18, 2023



Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyong lahat d'yan sa Bulgar, gayundin sa mga mahal n'yo sa buhay.


Hindi na sana ako dudulog sa inyo tungkol sa problema ko. Akala ko kasi kayang-kaya ko itong lutasin ngunit hindi pala. Sa palagay ko ay kayo lang ang makapagbibigay sa akin ng tamang payo.


Ang problema ko ay ang asawa ko. Dati ang bait-bait niya at lahat na yata ng mabuting ugali ay nasa kanya pero nitong mga huling araw, napansin ko na hatinggabi na siya kung umuwi.


Sabi niya ay nag-overtime raw siya pero 'di niya alam ay natanong ko na 'yun sa katrabaho niya kung totoo ba ito, pero ang sabi ng workmate niya ay hindi umano ito totoo. Bukod doon ay laging mainit ang ulo niya, nakasigaw lagi kahit wala namang dahilan. Napakalaki ng pinagbago niya hanggang sa umiiyak na ako sa aking altar habang nagdarasal. Kinausap ko ang Diyos Ama sa langit. Tinanong ko kung bakit biglang nagbago ang asawa ko, at 'di ko napigil ang aking sarili, sinumbatan ko ang Diyos at sinabi ko na "You choose for me the wrong man". Nasabi ko ito dahil bago ko siya makilala ay taimtim kong hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng lalaking makakasama ko habambuhay na isang responsableng asawa't ama ng magiging anak namin, habang nagdarasal ako sa altar. Nagulat ako, dinig na dinig ko sumagot sa akin ang Diyos. Sinabi niya "Lahat ng hiniling mo ay ipinagkaloob ko pero hindi mo 'ko pinagbigyan sa hiniling ko sa iyo". Nagulat ako sa narinig ko. Bigla kong naalala, nagpunta nga pala sa bahay namin 'yung midwife na nagpaanak sa panganay ko.


Humihingi siya ng replika ng Mahal na poong Nazareno na ayon sa kanya ay inutusan siya ng Diyos na pumunta sa akin. Ilalagay umano niya sa salas ng kanyang bahay, habang nanggagamot siya. May healing power kasi ang midwife ko. At 'yun nga ang mensahe ng Diyos sa kanya. Nanginginig pa raw siya habang naririnig niya ang tinig ng Diyos Ama sa langit habang sinasabi ang mensahe sa kanya. Hindi ko pinaniniwalaan ang midwife sa kuwento niya.


Hindi ko siya pinagbigyan sa kanyang kahilingan na bigyan siya ng replika ng Nazareno.


Naisip ko na 'yun ang dahilan kung bakit pumangit ang buhay ko, nagbago ang ugali ng asawa ko na dating mabuting asawa ngayon ay hindi na. Humingi ako ng tawad sa Diyos sa hindi ko pagtugon sa utos niya at pagwawalang bahala sa kahilingan ng aking midwife.


Kinabukasan, agad akong bumili ng replika ng mahal na poong Nazareno, binigay ko agad ito sa aking midwife. Noon ko naisip, hindi lamang pala tayong mga tao ang humihiling ng pabor sa Diyos.


Ang Diyos ay hihiling din ng pabor sa atin para sa ikakabuti ng mga nilalang niya sa mundo at ito ay hindi natin dapat ipagwalang bahala. Dapat sundin agad ng walang pasubali.


Nagpapasalamat,

Norma ng Bulacan


Sa iyo, Norma,


Maraming salamat sa kuwento ng buhay mo na ibinahagi mo rito sa column ko.


Minsan pa napatunayan mo na ang Diyos ay hindi natutulog. Nakatunghay siya sa bawat nilalang niya na dumaranas ng matinding pagsubok na sandaling kanyang malagpasan, naghihintay sa kanya ay pagpapala at kapanatagan sa buhay. Napatunayan din natin na hindi lang pala ang tao ang humihingi ng pabor sa Diyos. Ang Diyos man ay kumakatok din sa ating puso, may hihilingin sa atin para sa ikabubuti ng ating kapwa, para akayin sa kabutihan ang masasama, para ipalaganap ang kapangyarihan ng Diyos na kahit 'di natin nakikita pero nadarama natin ang kanyang presensya sa pamamagitan ng kanyang replika. Tunay ngang kahanga-hanga ang kuwento ng buhay mo.


Muli maraming salamat. Patuloy ka nawa'y pagpalain ng Diyos sa pang-araw-araw mong pamumuhay.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page