top of page

Misis, tamang hinala sa mister na dating malambing at mapagmahal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 31, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 31, 2023



Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay tungkol sa asawa ko na galing sa abroad. Nagtrabaho siya ro’n sa loob ng dalawang taon at na-extend hanggang sa umabot ng 5 limang taon.


Hindi siya nakauwi rito sa Pilipinas sa loob ng limang taon, at ngayon ay nandito na siya sa piling ng aming tatlong anak.


Napakalaki ng kanyang pinagbago. Wala na ‘yung dating sweetness niya lalo na ‘pag magkatabi kami sa gabi. Madalas siyang umaalis ng ‘di nagpapaalam, pakiramdam ko ay may iba na siyang babae.


Ano kaya ang marapat kong gawin, Sister Isabel? Hindi ko na alam kung paano ko ibabalik ang dating tamis ng aming pagsasama.


Totoo palang may kapalit ang dollar sa buhay ng isang tahimik at masayang pamilya.


Mabuti pa noong hindi siya nag-a-abroad, buo at masaya pa ang aming pamilya.


Nawa’y mapayuhan n’yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin upang maibalik ang dati naming masaya at tahimik na pagsasama.


Nagpapasalamat,

Delia ng Pangasinan


Sa iyo, Delia,


Hindi lang ikaw ang dumaranas ng ganyan, marami kayo na naging biktima ng ganyang sitwasyon. Totoo ang sinabi mo na may kapalit ang dollar sa buhay ng isang masaya at tahimik na pagsasama ng isang pamilya.


Sa paghahangad ng dollar, ang kapalit ay ang pagwasak ng pamilya. Nandyan na ‘yan, nangyari na. Ang marapat mong gawin ay ipadama mong muli sa asawa mo ang wagas at dalisay mong pagmamahal katulad noong panahong hindi pa siya nag-a-abroad.


Makokonsensya rin ‘yan, babalik din ang dating tamis ng pag-ibig niya sa iyo. Isa pa ang sabi mo ay may mga anak kayo. Naniniwala akong kung may ibang babae man siya sa ngayon, mas mananaig pa rin ang pagmamahal niya para sa inyo.


Huwag mo na siyang awayin. Dapat maging malambing at mapagmahal ka ngayon, ipakita mo sa kanya na sa kabila ng pagkukulang niya, nar’yan ka pa rin taos-pusong nagmamahal. At higit sa lahat, ipagdasal mo siya, hilingin mo sa Diyos na hawakan ang kanyang puso’t kalooban.


Ibalik ang dating tamis at sigla ng pagtingin niya sa iyo. Think positive. Have faith in God and to yourself. Hanggang dito na lang, hangad ko ang kaligayahan at katahimikan ng inyong pamilya sa susunod na mga araw. Patnubayan nawa kayo ng Dakilang Kataas-taasan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page