top of page

Mga adik sa online sabong, lagot!

  • BULGAR
  • May 23, 2022
  • 1 min read

@Editorial | May 23, 2022


Sa kabila ng utos na bawal na ang online sabong, may mga nakakalusot pa ring talpakan.


Kaya sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang crackdown laban sa ilegal na e-sabong nationwide.


Kasabay nito ang muling panawagan sa publiko na umiwas sa sugal.


Una nang natuklasan na nag-o-operate pa rin ang ilang online sabong websites sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ito.


Apela sa mga sabungero, huwag nang labagin ang batas dahil nalalagay lang sa alanganin ang suweldo. Ang pera na dapat sa pamilya, huwag nang italpak, lalo lang maghihirap.


Ang isa pa sa masamang naidudulot ng pagka-adik sa sugal ay ang paggawa ng krimen. May mga nasasangkot na sa pagnanakaw, holdap at nauuwi pa sa pagpatay.


Talagang malaking hamon sa mga awtoridad ang problemang ito.


Tiwala tayo sa sinabi ng PNP na wala silang sisinuhin sa kampanya laban sa e-sabong. Ibig sabihin, hindi lang mga mananaya ang puntiryado kundi ang mismong mga promotor, ahente o sana silang mga gambling lord na wala nang takot sa batas.


Sa ngayon, patuloy umano ang kanilang case build up at pakikipag-ugnayan sa mga service provider para maipasara ang mga online sabong website na posibleng abutin ng dalawang linggo.


Sana maunawaan ng mga sugarol na walang panalo sa sugal. Manalo ka man minsan, lamang pa rin ang talo. Kapag naipusta mo na ang lahat, pati sariling kaluluwa, malamang pati pamilya itataya. Ganito kasaklap 'pag pinasok ang sugal. Kaya habang kaya pa, tumigil na. Kung talagang adik na, may paraan pa rin para makalaya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page