May kani-kanyang pamilya rito sa ‘Pinas… Bebot, worried na baka mabuking ni mister sa pangangaliwa
- BULGAR
- Aug 2, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 2, 2023
Dear Sister Isabel,
Sumangguni ako sa inyo dahil alam kong kayo lang ang makakatulong sa problema ko.
Dati akong nagtatrabaho sa abroad at may nakarelasyon ako ro’n pero ang usapan namin ay hanggang do’n lang ‘yun.
Pareho kaming may kani-kanyang pamilya pero nagmahalan kami noong sa abroad.
Ngayon ay nandito na kaming pareho sa Pilipinas sa piling ng aming tunay na asawa’t mga anak. Ayaw niya akong tantanan, at hanggang ngayon ay ginugulo niya pa rin ako mahal na mahal niya raw ako at mababaliw daw siya ‘pag tuluyan kong winakasan ang relasyon namin. Mabuti na lang at naniniwala sa akin ang asawa ko na hindi ko magagawang magtaksil sa kanya.
Natatakot ako na baka sa susunod na mga araw ay lalo pang lumala ang mga pangyayari kung ‘di siya titigil sa pangungulit sa akin.
Sister Isabel, ano kaya ang marapat kong gawin? Nawa’y matulungan n’yo ako sa problemang dinaranas ko sa kasalukuyan.
Nagpapasalamat, Lorna ng Batangas
Sa iyo, Lorna,
Sa aking palagay ang dapat mong gawin ay kausapin mo ang dati mong karelasyon sa abroad.
Ipaintindi mo sa kanya na may kani-kanya kayong pamilya na pansamantala ninyong iniwan noong nagtrabaho kayo sa abroad.
Tapos na ‘yun. Harapin na kamo niya ang katotohanang mas higit siyang kailangan ng tunay niyang pamilya. Walang mabuting idudulot kung hanggang dito sa Pilipinas ay itutuloy n’yo pa rin ang relasyon n’yo.
Malamang ay makasuhan pa kayo sa ginagawa n’yong kataksilan. Prangkahin mo na siya na wala ka ng pagmamahal sa kanya. Mas higit mong pahalagahan ang iyong tunay na pamilya at sana ganundin ang kanyang gawin.
Sa palagay ko naman ay makikinig siya sa iyo at matatauhan kapag nalaman niya at sa iyo mismo nanggaling na dapat n’yo ng tuldukan ang lahat.
Akala niya siguro ay matindi pa rin ang pagmamahal mo sa kanya, sabihin mo rin na handa mong ipaglaban ang iyong asawa, at baka mapatay pa siya ng mister mo kung hindi siya titigil sa panggugulo sa iyo.
Takutin mo siya, para na rin tumigil siya sa kanyang kahibangan. Ngayong nalaman na niya ang tunay mong saloobin, mapipilitan na siyang tantanan ka na at tuluyang limutin ka. Umaasa akong mailalagay na sa ayos ang buhay n’yo, at magigising na siya sa katotohanan na dapat ng tuldukan ang inyong nakaraan alang-alang sa tunay n’yong pamilya na mas higit na nangangailangan ng pagkalinga at pagmamahal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo







Comments