by Info @Editorial | Nov. 9, 2024
Nakapanlulumo ang balita na isang 10-anyos na lalaki ang ginagamit umano ng kanyang mismong mga magulang sa pagtutulak ng illegal drugs.
Sa murang edad, biktima siya ng salot na droga at dinanas niya ito sa kamay ng mga taong dapat sana’y kumakalinga, nagbibigay ng proteksyon at nagmamahal sa kanya.
Mabigat na parusa ang dapat na maipataw sa mga ganitong uri ng magulang.
Hindi maikakaila na isa sa mga pinakamalupit na suliranin na kinahaharap ng ating bansa ngayon ay ang talamak na ipinagbabawal na gamot.
Bagama’t may mga hakbang na isinasagawa ang gobyerno upang labanan ito, hindi pa rin natin nakikita ang ganap na pagresolba sa problema.
Mas lalong nakababahala ang pagsasamantala sa mga menor-de-edad, na itinuturing na pangunahing gamit ng mga sindikato upang magsagawa ng kanilang negosyo.
Ang mga kabataan ay kadalasang biktima ng mga taong may masamang layunin. Dahil sa kahirapan, kakulangan sa edukasyon, o impluwensiya ng mga kaibigan, ang mga bata at kabataan ay madaling mahikayat na pumasok sa isang mundo ng droga.
Bagama’t may iilang magulang na walang konsensiya, umaasa tayo na marami pa ring tatay, nanay at katuwang ang mga guro na handang gabayan ang mga kabataan upang hindi maabuso o maligaw ng landas.
Kailangang magtulungan ang bawat isa upang mapigilan ang pamamayagpag ng mga sindikato.
Comments