top of page
Search

Magtiyuhing tulak, arestado

BULGAR

by News @Balitang Probinsiya | September 3, 2024



Iloilo City -- Nadakip ng mga otoridad ang magtiyuhing drug pusher sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Zone 2, Brgy. Baldoza sa lungsod na ito.


Ang mga suspek ay nakilalang sina Elenito Jover, 40 at Carl Jiver, 22, kapwa residente sa nasabing barangay.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang magtiyuhin kaya agad nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang mga suspek.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 16 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang magtiyuhing suspek na kapwa nahahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.


 

SMUGGLED YOSI, NAREKOBER


ZAMBOANGA DEL NORTE -- Narekober ng mga otoridad kamakalawa ang inabandonang mga smuggled cigarette sa baybaying dagat ng Brgy. Kayok, Liloy sa lalawigang ito.


Ang nasabing mga puslit na yosi ay narekober ng pulisya sa tulong ng mga residente sa naturang barangay.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na may mga kalalakihan na nagbababa mula sa bangka ng mga smuggled cigarette kaya agad rumesponde ang mga operatiba, pero nakatakas ang mga suspek.


Sa tantiya ng mga otoridad ay nagkakahalaga ng mahigit P1.7 milyon ang nakumpiska nilang smuggled cigarettes. 


Pinaghahanap na ng mga otoridad ang mga suspek upang sampahan ng mga kaukulang kaso.


 

3 DRUG DEALER, NASAKOTE


CAVITE -- Tatlong notoryus na drug dealer ang nadakip sa drug-bust operation ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Paliparan, Dasmarinas City sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ang mga suspek na pawang nasa hustong gulang habang iniimbestigahan pa sila ng mga otoridad.


Ayon sa ulat, nadakip ang mga suspek sa buy-bust operation ng pulisya sa naturang lugar.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 100 gramo ng hinihinalang shabu, 800 piraso ng ecstasy at marked money sa pag-iingat ng mga suspek. 


Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 

MAG-UTOL NAGTAGAAN, KAPWA SUGATAN


AKLAN – Parehong sugatan ang magkapatid na nagtagaan kamakalawa sa Brgy. Marianos, Numancia sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng kanilang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang mga pangalan ng magkapatid na kapwa nasa hustong gulang, na nagtagaan sa nabanggit na barangay.


Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo ang magkapatid hanggang kapwa kumuha ng itak at nagtagaan.


Napag-alaman na mabilis na nakaresponde ang mga otoridad kaya naawat ang magkapatid.


Sa ngayon ay ginagamot pa sa ospital ang magkapatid na kapwa nagtamo ng mga tama ng taga sa katawan.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page