top of page
Search
  • BULGAR

Magandang fate line na huminto sa heart line, indikasyon na hihinto sa trabaho ‘pag nag-asawa na

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| July 2, 2020




KATANUNGAN

  1. Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga artikulo at sa katunayan, kumpleto ako ng mga librong na nai-publish n’yo. May gusto lang akong linawain sa guhit ng aking mga palad, bakit biglang huminto ang magandang Fate Line nang ito ay mabangga ng Heart Line?

  2. Ako ay nagtatrabaho bilang cashier sa isang food company at regular na ako rito at hindi naman ako nawalan ng trabaho kahit nagka-COVID-19. Sa love life naman, may boyfriend ako, pero wala pa akong balak mag-asawa dahil may mga obligasyon pa sa pamilya ang boyfriend ko.

  3. Gayundin, kami na ba ng boyfriend ko ang magkakatuluyan o may darating pang ibang lalaki, dalawa kasi ang nakikita kong Marriage Line sa aking mga palad?

  4. Totoo bang kapag huminto ang Fate Line ay mawawalan ng trabaho, ‘yun kasi ang nabasa ko sa mga artikulo n’yo.

KASAGUTAN

  1. Salamat, Sherlyn, sa pagtangkilik sa ating mga libro at sana, kapag nag-publish ulit tayo ng mga susunod pang libro ni Maestro Honorio Ong ay patuloy mo pa rin itong tangkilikin.

  2. Samantala, sinasabing kapag ang maganda at makapal na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) ay biglang huminto matapos mabangga sa Heart Line (h-h arrow b.), at hindi na muling nagpatuloy, dalawang bagay ang ibig sabihin nito: Una, ito ay tanda na maaaring dahil sa maling relasyon o pag-ibig, biglang mawawalan ng career ang nasabing indibidwal, tulad ng nasa kaliwa at kanan mong palad. Gayunman, maaari ring ang kahulugan nito ay kapag nag-asawa ka na, patitigilin ka ng mister mo sa pagtatrabaho, kaya imbes na career, business o lehitimong propesyon ang maging aturgahin mo, ang magiging career ay “manager ng bahay” o tipikal na housewife.

  3. Ang pangalawang ibig sabihin, dahil nang mabangga ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a. at h-h arrow b.) sa Heart Line (arrow b.) ay malapit na sa kanyang destinasyon (Mount of Saturn arrow c.), ito ay tanda na kapag nag-asawa na ang nasabing indibidwal, ang kanyang career ay iiwanan niya, subalit ang mga naipon at pinaghirapan niya sa mga nakaraang taon ng pagtatrabaho ay maiuukol sa kanyang mga anak at pag-aaruga ng pamilya. Ibig sabihin, ang pera na naipon niya sa trabaho o negosyo ay gagastusin na niya sa pagpapasarap sa buhay kapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.

  4. Hinggil naman sa dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow d. at e.) sa kaliwa at kana mong palad, dahil ito ay magkalapit lamang, maaaring ito pa rin ang kasalukuyan mong boyfriend. Ang maliit na espasyo sa pagitan ng dalawang Marriage Line ay maaaring babala na magkakahiwalay kayo ng boyfriend mo o matagal magkakahiwalay dahil maaaring mag-abroad siya o ikaw at sa iba pang kadahilanan. Pero dahil sa paglalayong nabanggit kung saan parang nag-break na kayo, ngunit pagkatapos ng mga ilang taong hindi pagkikita, muli kayong pagtatagpuin ng tadhana, magkakasama at mabubuo ang inyong dating masayang relasyon hanggang sa bandang huli, kayo na ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng masaya at panghabambuhay na pamilya.

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Sherlyn, kung may boyfriend ka ngayon, mga dalawa o tatlong taon pa, makapag-aasawa ka na at ang pag-aasawang ito ang siyang magiging dahilan upang tuluyan kang pahintuin ng mapapangasawa mo sa pagtatrabaho. Sa parte mo naman, maiuukol mo ang iyong oras at panahon sa pag-aaruga ng iyong mga anak at pamilya, at sa ganu’ng set-up o gawain, tipikal at aregladong ina ka naman, na higit na magiging matagumpay at habambuhay na magiging maligaya.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page