top of page

Madir na dumaranas ng hirap at kalupitan sa abroad, suko na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 27, 2024
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 27, 2024


Dear Sister Isabel,


Naghiwalay kami ng asawa ko dahil sumakabilang bahay siya, hanggang sa naisipan kong mag-apply ng trabaho sa abroad kahit kasambahay o domestic helper (DH) lang.


Sobrang hirap ng dinanas ko sa pag-a-apply, pero itinuloy ko pa rin ito. Sabi ko sa aking sarili, “matatapos din ang paghihirap ko, kaunting tiyaga na lang makakapagtrabaho rin ako sa abroad.” 


Kalaunan ay natanggap akong DH sa Saudi. Subalit, ang inaakala kong masarap na buhay ay hindi pala ganu’n ang mangyayari. Sobrang hirap pala nang daranasin ko rito sa abroad. 


Mas mahirap pala ito kaysa sa naranasan ko sa ‘Pinas. Sadista ang amo ko rito, hatinggabi na ako nakakatulog sa dami nang ipinapagawa niya sa akin, maaga pa ako gumigising para magtrabaho uli, at wala rin akong day off. 


Nangayayat tuloy ako, samantalang bago ako pumasok dito ay ang taba-taba ko.


Naawa rin sa akin ang kaisa-isa kong anak sa ‘Pinas, iniwan ko siya sa nanay ko noong 16-anyos siya, at ngayon ay 1st year college siya, kaya todo-kayod ako para lang matapos niya ang kanyang pag-aaral. 


Sa tindi ng pagod ko araw-araw, gusto ko na umuwi sa ‘Pinas at huwag nang tapusin ang contract ko. Pero wala pa akong lakas na loob para sabihin ito sa amo ko. Baka kasi lalo niya lang akong pahirapan at pagmalupitan. 


Ano kaya ang gagawin ko? Sana ay mapayuhan n’yo ako. 

 

Nagpapasalamat,

Belinda

 

Sa iyo, Belinda,


Heto na naman, isa ka sa Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtatrabaho sa abroad at kasalukuyang dumaranas ng hirap. 


Sabihin mo sa iyong anak na kontakin ‘yang agency na nagpaalis sa iyo, ipagtapat niya kamo lahat nang dinaranas mo r’yan sa employer mo at sabihin niya rin kamo na gusto mo nang umuwi sa ‘Pinas, hindi mo na kamo kinakaya ang iyong trabaho r’yan, pati na ang ugali ng employer mo. 


Tutal ang sabi mo ay nakakausap mo ang anak mo sa video call, huwag kang maglihim sa kanya. May sapat na siyang isip para maunawaan ka. Gawin na niya kamo ang ipinagagawa mo. Kontakin na niya agad ang agency na nagpaalis sa iyo papunta r’yan sa Saudi, para sila na ang gumawa ng paraan para makauwi ka sa ‘Pinas sa lalong madaling panahon.


Lakip nito ang dalangin ko na matulungan ka ng agency mo na makabalik dito. 


Sa susunod, huwag mo nang hangarin na maging isang domestic helper sa abroad lalo na sa Saudi. Puwede siguro kung hindi sa Middle East. Pero, kung talagang gusto mong mangibang-bansa para kumita ng dollar. Huwag domestic helper ang applyan mo.


Puwede naman ang caregiver, babysitter, sales lady, at iba pa. Basta ‘wag lang domestic helper. Masyado kasing inaapi ang DH sa ibang bansa. Mababa ang tingin nila rito at hindi ka pupuwedeng tumutol sa mga inuutos nila. Hangad kong matapos na ang kalbaryo mo r’yan sa lalong madaling panahon. Tulungan ka nawa ng Diyos. Magdasal ka muna bago ka matulog o baka ‘di ka rin marunong magdasal. Nakakalimot ka na siguro kay Lord. Mahalaga ang pagdarasal, kung maaari ay araw-araw. Prayer is the key upang patnubayan tayo ng Diyos. 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page