Madir na baon sa utang, mister mas pinili si kerida
- BULGAR
- Nov 15, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 15, 2023
Dear Sister Isabel,
Isa akong tindera ng gulay sa palengke. Hiniwalayan ako ng mister ko dahil sa kanyang kerida. Kaya ngayon, mag-isa ko na lang itinataguyod ang dalawa naming anak. Nagkabaun-baon na ako sa utang, at hindi ko na kaya itong bayaran. Pati ang kapatid ko galit na sa akin dahil hindi ko na naibalik ‘yung malaking halagang inutang ko sa kanya.
Natuto akong tumaya ng jueteng, nu’ng una tumatama pa ako kaya nabawas-bawasan ang utang ko. Pero nitong huli, hindi na ulit ako nanalo. Balik sa dating gawin, utang dito, utang du’n at lahat ng iyon ay patubuan. Hirap na hirap na ako sa buhay ko. Kung minsan, balak ko nang patulan itong manliligaw kong mayaman kaya lang ay pamilyado na. Alam kong mali ang gagawin ko, pero sa hirap ng buhay na dinaranas ko, tatanggapin ko na sa buhay ko ang lalaking ito na may matinding paghanga sa akin. Tiyak na malulutas na problema ko sa pera. Magiging buhay doñia na ko kung tatanggapin ko ang pag-ibig niya. Tama ba ang iniisip ko? Gusto ko lang talagang makaahon sa hirap. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Lilibeth ng Bulacan
Sa iyo, Lilibeth,
Ang buhay ay sadyang ganyan. Kani-kanyang pagsubok lang na halos hindi na kayang pasanin.
‘Ika nga ng matandang kasabihan, “tiis-tiis lang, walang permanente sa mundo, lilipas din ang lahat” mahahango ka rin sa kalagayang dinaranas mo sa kasalukuyan.
Diskarte lang ang dapat mong ipatupad. Kung mahina ang iyong kinikita sa tinda mong gulay eh ‘di ibahin mo ang negosyo mo. Subukan mo ring magtinda ng fishball, kikiam, tokneneng at ihaw-ihaw. Sa palagay ko, mas kikita ka r’yan kesa sa gulay na itinitinda mo ngayon. Huwag ka na ring makipagsapalaran sa jueteng. Sugal ‘yan at hindi ka yayaman d’yan.
Tungkol naman sa manliligaw mong mayaman, huwag ka rin masyadong magtiwala sa kanya.
Baka ‘pag nakuha na niya pagkababae mo, mag-disappear na lang din siya bigla. Isa pa ang sabi mo ay may asawa siya, gulo lang ang idudulot niya sa buhay mo. Subukan mo na lang lumapit sa mga ahensya na nagbibigay ng maliit na puhunan o kaya pumunta ka sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sana matuto ka ring magkaroon ng panahon sa Diyos, magsimba ka tuwing Linggo, magdasal bago matulog, at humingi ka ng tulong sa Diyos. Malaking bagay sa buhay ng isang tao ang pagiging madasalin at palasimba.
Hindi pababayaan ng Diyos ang sinumang lumalapit sa kanya. Marahil ay wala ka ng panahon sa Diyos at hindi mo man lang magawang magsimba tuwing Linggo. Tama ba ko? Ugaliin mong maging madasalin at palasimba upang ang Diyos na mismo ang kumilos para unti-unti ka ng makaahon sa kahirapan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo







Comments