top of page

Kandidato, ‘wag puro biro at porma, maglatag ng plataporma

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 6, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | Apr. 6, 2025



Editorial

Habang papalapit ang araw ng eleksyon, patindi nang patindi ang kampanyahan.

Nagkalat ang mga kandidatong nagpupumilit makuha ang atensyon ng mga botante.


Hanggang sa ang mga kampanya ay nagiging palabas na imbes seryosong pagpapakilala at paglalatag ng mga makabuluhang plataporma.  Ang inaasahang konkretong solusyon sa mga problema ng bayan ay madalas natatabunan ng mga biro, drama, at kalokohan. 


Ang mga kandidato ay hindi dapat magdaos ng kampanya na parang isang comedy show — ang kanilang responsibilidad ay maglatag ng mga seryosong plano para sa ikauunlad ng bansa.Hindi masama ang magdala ng saya at positibong mensahe sa kampanya, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang makalimutan ng mga kandidato ang mas mahahalagang isyu na dapat tugunan. 


Ang botante ay may karapatan at obligasyong malaman kung ano ang mga konkretong hakbang na isusulong ng isang kandidato — hindi lang mga nakakatuwang salita o pangakong walang laman.Ang mga plataporma ng mga kandidato ay dapat magsilbing gabay kung paano nila tatalakayin ang mga isyung kinakaharap ng bayan, tulad ng edukasyon, kalusugan, trabaho, at kalikasan. 


Sa halip na mag-aksaya ng oras sa istayl bulok na pangangampanya, sana ay ilatag na lang ang mga estratehiya kung paano isusulong ang mga layunin kung paano mapapabuti ang pamumuhay ng bawat isa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page