Itigil na ang pamumulitika, magtrabaho na!
- BULGAR
- 16 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 20, 2025

Ngayong tapos na ang halalan, panahon na upang isantabi ang bangayan, paninira, at walang tigil na pamumulitika.
Tapos na ang labanan ng kulay at pangalan. May nanalo, may natalo, at sa kabila ng lahat, iisa ang dapat manaig, ang kapakanan ng bayan.
Ang halalan ay isang mahalagang bahagi ng ating demokrasya. Ito ang panahon ng pagpili kung sino ang karapat-dapat mamuno. Ngunit matapos ang botohan, dapat nang magkaisang muli bilang iisang sambayanan. Hindi makabubuti sa bansa kung watak-watak ang taumbayan dahil sa ‘di pagkakaunawaan sa pulitika.
Sa mga halal na opisyal, ito na ang panahon ng pagseserbisyo. Hindi na kampanya ang kailangan kundi mabilis, epektibo at tapat na aksyon. Gamitin ang ipinagkatiwalang posisyon upang isulong ang tunay na reporma at solusyon sa mga isyung kinahaharap ng mamamayan—mula sa kahirapan, edukasyon, kalusugan, hanggang sa kapayapaan.
Sa mamamayan, maging mapagmatyag at responsable.
Suportahan ang mga programang para sa ikabubuti ng lahat at itama ang mali sa paraang marangal at makabayan.
Comments