top of page
Search
BULGAR

Iniputan sa ulo ang mga asawa… OFW na nakabuntis, gustong ipalaglag ang beybi

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 13, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Limang taon na akong Overseas Filipino Worker (OFW) dito sa Hong Kong, at 3 taon na rin ang nakakalipas mula nang magbakasyon ako sa ‘Pinas. 


Ang problema ko ngayon ay nakabuntis ako ng ibang babae rito sa Hong Kong. Pareho kaming pamilyado, at hindi alam ng mga asawa namin ang lihim naming relasyon. 


Aware naman ako na walang lihim na hindi nabubunyag, kaya sinabihan ko ang babaeng nadale ko na ipalaglag na lang niya ang batang nasa sinapupunan niya, pero ang problema ay ayaw niyang pumayag. 


Tiyak na magdaramdam ang asawa ko kapag nalaman niya ang ganitong sitwasyon.

Baka ‘di niya kayanin at mag-suicide.


Ang isa ko pang pinoproblema ay ‘yung mister ng babaeng nadali ko, baka ipa-salvage niya ako. 


Gulung-gulo na ang isip ko. Ano ba ang dapat kong gawin?


Nagpapasalamat,

Dondon ng Hong Kong


 

Sa iyo, Dondon,


Makabubuting huwag n’yo munang ipaalam sa mga asawa n’yo ang nangyari. Ilihim n’yo muna ito sa abot ng inyong makakaya. Umiba kayo ng tirahan d’yan sa Hong Kong upang makaiwas sa tsismis. Pero, huwag na huwag n’yong ipapalaglag ang bata, kasalanang mortal iyan sa mata ng Diyos, ang batang iyan ay anak ng Diyos. Bawat batang nabubuo sa sinapupunan ng isang ina ay Children of God. May plano ang Diyos sa batang iyan. Kayo ang napili niyang magulang, dugo mo at dugo ng nabuntis mo ang gusto ng Diyos na manalaytay sa bata. 


Sa tamang panahon, saka n’yo sabihin sa asawa n’yo ang nangyari. Kapwa kayo manalangin at humingi ng tulong sa Diyos na sana gabayan kayo sa tamang desisyon. 


Samantala, alalayan mo muna ang babaeng nabuntis mo para maipanganak niya nang maayos ang batang kanyang isisilang.


Malalampasan n’yo rin ang pagsubok na iyan. Bawat tao ay may pagsubok pero kung mananatili kayong nakakapit sa Diyos, malalampasan n’yo rin ang matinding pagsubok na kasalukuyan n’yong nararanasan. 


Sana hindi na ito maulit o masundan pa. Tandaan mo, kapwa kayo may asawa kaya umayos ka. Sustentuhan mo ang bata, at putulin n’yo na ang relasyon n’yo. 


Bumalik ka sa pamilya mo at umiwas ka na sa mga babae. Mamuhay ka sa tamang landas kasama ang tunay mong pamilya at gampanan ang role mo bilang ulirang asawa at ama. Maunawaan mo sana at sundin ang payo ko.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


File Photo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page