top of page

Imbyerna sa ka-church na chismosa at inggitera

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 24, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 24, 2023



Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay inggit na inggit sa akin ang aking kapitbahay. Magkasama kami sa aming parokya at ‘pag kaharap mo ito akala mo’y santa, napakabait sa akin, ngunit ‘pag talikod ko ay puro paninira na ang ginagawa sa akin.


Magkasama rin kami sa Sub-Parish, sa tuwing ina-assign ko siya na mag-serve, hindi siya nakikiisa. Ang katuwiran niya ‘pag tinatanong siya ng mga kasamahan namin ay ayaw daw namin sa kanya. Buong akala ng kasamahan namin ako ang may pangit na ugali. Taong simbahan pa naman ito ngunit kaaway at ‘di niya kasundo ang lahat. Ano kaya ang maaari kong gawin upang ‘di na ito mainggit sa akin at tigilan na ang paninira sa akin? Ayoko itong kausapin dahil baka lalo lang lumala.


Nagpapasalamat,

Pinky ng Pila Laguna


Sa iyo, Pinky,


Natural na sa atin ang magkaroon ng kaaway. Ang pinakamaganda gawin ay huwag mo na lang itong pansinin. Hayaan mong mamatay siya sa inggit. Ipagpatuloy mo ang mga gawaing nakaatang sa iyong balikat na ikabubuti ng iyong kapwa lalo na ang mga gawain mo sa simbahan. Nakikita ng Diyos ang mga nagaganap sa mundong ating ginagalawan. Siya na ang bahala sa kapitbahay mo. Makikita mo patuloy naaagos sa iyo ang mga biyaya at pagpapala.


Sa kabilang dako, makikita mo kung paano ang mga taong inggitera, naninira sa kapwa, hindi kailanman umaasenso. Patuloy na nasasadlak sa kahirapan hanggang magising sila sa katotohanan at baguhin ang kanilang ugali at pananaw.


Isama mo lagi sa iyong dasal na hipuin ng Diyos ang kapitbahay mong ito. Isang araw, magugulat ka na lang dahil malaki na ang pinagbago niya. Hindi na inggitera at tumigil na rin sa paninira.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page