top of page

Hindi ‘yung magkakalimutan na, besh… Dapat gawin kung may utang

  • BULGAR
  • Sep 22, 2022
  • 3 min read

Updated: Sep 25, 2022

ni Mharose Almirañez | September 22, 2022




“Utang na loob, magbayad ka na!” Kung puwede lamang nating sigawan ng ganyan ang mga taong nangutang sa ‘tin, subalit parang tayo pa itong nahihiyang maningil sa kanila.


Nakakalungkot mang isipin, ngunit may mga tao talagang magaling lang magpaawa kapag kailangan ng pera, pero kapag oras na ng bayaran ay daig pa nila ang nagka-amnesia sa tagal magbayad ng utang.


Nauunawaan naming may pinagdaraanan ka at mahirap ang buhay, pero hindi porke hindi ka sinisingil nu’ng nagpautang sa ‘yo ay iisipin mong hindi na niya kailangan ng pera. Hindi porke sa tingin mo ay may pera pa ‘yung inutangan mo ay okay lang sa kanya na hindi mo na siya bayaran. Huwag ganu’n, beshie.


Kaya shout out sa mahihilig mangutang now, tago later… Narito ang tips para maging utang-free bago matapos ang year 2022. Puwedeng-puwede mo ring i-apply in real life (IRL) ang mga sumusunod:


1. TUMUPAD SA NAPAGKASUNDUANG PETSA NG PAGBABAYAD. Napakaraming paraan upang hindi makalimutan ang iyong utang tulad na lamang ng pagse-set ng alarm sa cellphone, paglilista sa papel o ilagay mo pa sa Microsoft Word, Excel at PowerPoint, pero kung gusto mo ng mas creative, eh ‘di ilista mo sa Canva. Maraming paaran para maalala ang napagkasunduang petsa ng pagbabayad, sadyang ayaw mo lang tandaan. Next time, i-practice mo rin ang pagbabayad ng utang kahit hindi ka singilin. Nasa pagkukusa at hiya naman kasi ‘yan.


2. ‘WAG FEELING RICH SA SOCMED KUNG KAPOS NAMAN IRL. Ka-hampy, kung ayaw mong magmukhang social climber, ‘wag na ‘wag mong ipe-flex sa social media ang iyong food photography sa resto, ininom na mamahaling kape, pinuntahang beach, at outfit of the day (OOTD) dahil napakalaking insulto niyan sa taong inutangan mo. Imagine, may budget ka pala para sa mga luho na ‘yan, samantalang hindi ka naman makabayad ng utang.


3. ‘WAG ISNABIN ANG INUTANGAN KAPAG SINISINGIL KA NA. Kung hindi mo naman intensyong ma-delay sa pagbabayad sa kanya ay kausapin mo siya nang maayos. Ipaliwanag mo ang dahilan kaya ka made-delay at ikaw na ang humingi ng pasensya. Panigurado namang mauunawaan ka niya, basta ipakita mo na sincere ka. Hindi ‘yung iiwasan mo siya sa tuwing magkakasalubong kayo sa daan o hindi mo papasinin ang messages niya sa ‘yo. Naglakas-loob ka ngang mangutang sa kanya, eh, sana ay may lakas ng loob ka rin para harapin siya matapos mong pakinabangan ang pera niya.


4. BAYARAN ANG NAUNANG UTANG, BAGO UMULIT. Sa tingin mo ba, pauutangin ka pa rin niya kung may remaining balance ka pa sa kanya? Siguro nga, madadala mo siya sa pagpapaawa mo, pero beshie, maawa ka rin sa kanya. Hindi naman siya bilyonaryo para i-donate sa ‘yo ‘yung perang pinaghirapan niyang kitain. A friendly reminder, i-settle mo muna ang nauna mong utang bago ka mangutang ulit kung ayaw mong mabaon nang tuluyan sa utang. Ayaw mo naman sigurong dumating sa point na kung kailan kailangang-kailangan mo talaga ng pera ay saka naman wala ng taong gustong magpautang sa ‘yo, ‘di ba?


5. MAGING MASINOP SA PERA. Matuto ka rin kasing mag-budget at mag-invest. Spend your salary wisely. After all, wala naman ‘yan sa laki ng iyong sinasahod kundi nasa paggastos o lifestyle. Sabihin nating malaki nga ang kita mo, pero magastos ka naman, puro ka luho, napakarami mong utang… wala rin! Kung matipid ka, praktikal at hindi nagpapadala sa kantyaw na, “Uy, manlibre ka naman,” aba’y malamang na sila pa ang lalapit para mangutang sa iyo.

Sabi nga ng financial expert na si Chinkee Tan, “Ang isa sa sikreto ng pag-unlad ng ating buhay ay ang pagbabayad ng utang upang wala tayong naaagrabyadong kapwa.”


Ang totoo ay alam naman natin kung ano ang mga dapat gawin pagkatapos mangutang. Pero minsan, isinasawalang-bahala natin dahil sa kaisipang dagdag-gastos lang ang pagbabayad ng utang.


Jusko, beshie, kung ganyan ang mindset mo ay ‘wag ka nang magtaka kung dumating ang araw na wala nang may gustong magpautang sa ‘yo. Gusto mo ba ‘yun?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page