ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 3, 2024
Dear Sister Isabel,
Gusto ko sanang humingi ng payo sa inyo tungkol sa itinitibok ng puso ko.
Nakakahiya man sabihin, pero isa na akong senior citizen at ngayon lang tumibok ang puso ko ng ganito. Nainlab ako sa kapitbahay ko, biyuda na ako at may kalayaan nang umibig. Ngunit ‘yung iniibig ko naman ngayon ay mas bata sa akin.
Wala pang siyang asawa, at mahirap lang ang estado niya sa buhay, kaya nakatitiyak ako na sasabihin lang sa akin ng mga tao ay isang sugar mommy.
Ramdam ko naman na mahal niya rin ako. ‘Yun nga lang ay nag-aalala ako sa sasabihin ng mga tao lalo na ng mga kapitbahay namin na alam na malaki ang agwat ng aming edad. Ang nangyari tuloy, nagkikita kami nang palihim. Gusto na naming ilagay sa ayos ang lahat, kaya nagbabalak kami ngayon na magpakasal kahit ako na ang gumastos sa lahat at balak naming ilantad na ang aming relasyon.
Ano ang masasabi n’yo Sister Isabel? Naguguluhan na kasi ako dahil tutol ang mga anak at kamag-anak ko. Wala akong kakampi. Ano ba ang dapat kong gawin? Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Barbara ng Pasig City
Sa iyo, Barbara,
Kung talagang nagmamahalan kayo, ramdam mo na mahal ka naman ng kapitbahay mo, walang masama kung magpakasal kayo kesa palihim kayong nagkikita dahil nag-aalala kayo sa sasabihin ng mga tao lalo na ng mga kapitbahay n’yo.
Age doesn't matter, kaya sige lang. Kung saan ka maligaya, roon ka. Wala silang pakialam sa iyo lalo na kung bata pa ang mapapangasawa mo at ikaw naman ay biyuda. Walang masama roon, huwag mong intindihin ang sasabihin ng mga tao, ang intindihin mo ay kung paano mo mapapasaya ang sarili mo. Mapalad ka nga dahil sa edad mong ‘yan, may inilaan pa pala ang Diyos na maging kapartner mo habambuhay.
Ituloy n’yo ang binabalak n’yong kasal dahil natitiyak kong lalo kang pagpapalain ng Diyos sa gagawin mo. Ang mahalaga mahal n’yo ang isa’t isa. Hindi pakunwari at walang hidden agenda. Nawa'y naunawaan mo ang ibig kong sabihin, hanggang dito na lang.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comentarios